Ipinahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na walang tsunami threat sa Pilipinas matapos yanigin ng magnitude 7.4 na lindol ang bansang Chile nitong Biyernes ng umaga, Hulyo 19.
"No destructive tsunami threat exists based on available data. This is for information purposes only and there is no tsunami threat to the Philippines from this earthquake. No action required," saad ng Phivolcs sa advisory nito.
Nangyari umano ang magnitude 7.4 na lindol sa baybayin ng Northern Chile bandang 9:51 kaninang umaga.
May lalim ang lindol na 170 kilometro.
Sa ulat ng Associate Press, wala namang nasugatan at naiulat na malaking pinsala kaugnay ng naturang pagyanig. Wala rin umanong itinaas na tsunami warning dahil dito.
Matatagpuan ang Chile sa tinatawag na “Ring of Fire” sa Pacific, dahilan kaya’t karaniwang nakararanas ito ng mga lindol.
Dagdag ng ulat, taong 2010 nang yanigin ang naturang bansa ng magnitude 8.8 na lindol, na nagbunsod ng tsunami at kumitil ng 526 katao.