Isang umano'y midwife ang nagbebenta umano ng bagong silang na sanggol sa halagang ₱25,000 sa pamamagitan ng social media.
Gayunman, iniulat ng Department of Justice (DOJ) nitong Huwebes ang pagkakaaresto ng umano'y midwife sa ikinasang entrapment operation ng mga ahente ng National Bureau of Investigation Human Trafficking Division (NBI-HTRAD) kamakailan.
Ayon sa DOJ, ang operasyon ay isinagawa ng NBI-HTRAD noong Hulyo 16, 2024 ng umaga sa Muntinlupa City, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DWSD), DOJ-Inter-Agency Council Against Trafficking (DOJ-IACAT) at sa Cyber-TIP Monitoring Center.
Nauna rito, nakatanggap ang NBI-HTRAD ng impormasyon mula sa Cyber-TIP Monitoring Center na nagbebenta ang suspek ng bagong silang na sanggol sa isang Facebook page.
Kaagad namang nagsagawa ang NBI-HTRAD ng isang open-source intelligence gathering at verification hinggil sa naturang ilegal na aktibidad.
Isang NBI agent ang nag-undercover at nagpanggap na interesadong bumili ng sanggol.
Nagpakilala ang suspek bilang midwife at kalaunan ay nagkasundo silang magkita sa isang lugar sa Muntinlupa City, kung saan ipinakita nito ang sanggol, na 6-araw pa lamang naisisilang.
Matapos namang kumpirmahin ng suspek ang kanyang intensiyon na ipagbili ang sanggol ay kaagad na itong inaresto ng mga awtoridad.
Matagumpay rin namang nasagip ang sanggol, na nasa kustodiya na ngayon ng DSWD.
Kaagad na ring sinampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Section 4 (g) ng Republic Act No. 9208 as amended by RA 10364 at RA 11862 o mas kilala sa tawag na “Expanded Anti-Trafficking in Persons and Child Trafficking sa ilalim ng RA 7610 o The Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act in relation to RA 10175 o Cybercrime Prevention Act.
Nabatid na naisailalim na rin ang suspek sa inquest proceedings sa DOJ noong Hulyo 17, 2024.
Ayon sa DOJ, “The successful operation underscores the ongoing efforts of the government to combat human trafficking and protect the most vulnerable members of the society.”