Handa na raw tumanggap pa ng mas challenging na roles ang Kapamilya actor-TV host na si Enchong Dee, na kamakailan lamang ay kinilala ang husay sa pagganap bilang Padre Zamora sa award-winning Metro Manila Film Festival 2023 movie na "GomBurZa," sa naganap na 7th Eddys Awards.
Hindi nga makapaniwala ang aktor na finally ay may nakapansin na sa kaniyang acting prowess, kaya sobra ang pasasalamat niya sa pamunuan ng Eddys dahil sa kaniyang parangal na natanggap. Hindi rin biro ang mga nakalaban niya sa kategorya, at isa pa, nakaka-inspire na nagkaroon na ng awards ang mga nakasama niya sa pelikula gaya nina Cedrick Juan at Piolo Pascual. Si Dante Rivero naman, well, walang makakakuwestyon sa pagiging batikan na nito at respetado sa industriya.
Nausisa si Enchong tungkol sa posibleng pagpayag na tumanggap ng beki roles sa isang "Boy Love" project (BL series o kaya BL movie) kung sakaling alukin siya, sa naganap na "Star Magic Spotlight" media conference. Dito ay walang kiyemeng sinabi ni Enchong na why not, dahil tiyak na lalawak pa ang acting capacity niya kung tatanggap siya ng mga ganitong klaseng karakter.
Matagal na raw niyang naisip at pangarap na gumanap sa mga ganitong klaseng proyekto, hindi pa man daw namamayagpag ang mga BL series sa Pilipinas, at nagtangka pa nga raw siyang mag-pitch nito sa isang kaibigang nasa isang production company, subalit wala namang nangyari.
At kung sakaling magkakaroon nga ng BL project, pangarap daw ni Enchong na makasama rito ang nakasama na niya sa GomBurZa na si Piolo, idagdag pa ang isa pang Kapamilya star na si Jericho Rosales na nagbabalik-acting scene sa seryeng "Lavender Fields" soon.
Sa mga Kapuso stars naman, ang binanggit niya ay sina Dingdong Dantes at Alden Richards.
Ang tanong, handa na ba ang mga napipisil niyang gumanap sa isang BL project? Iyan ang dapat pakaabangan at paniguradong exciting iyan, dahil tiyak na ibang-iba iyan sa kanilang imahe at madalas na ginagawa.