November 23, 2024

Home FEATURES Trending

Breadwinner na public school teacher, nangutang dahil hindi kayang tiisin ang amang nangailangan

Breadwinner na public school teacher, nangutang dahil hindi kayang tiisin ang amang nangailangan
photos courtesy: Joemar Abayon Develos

Kahit napapagod, nanghihina, at walang-wala nang maibigay, talagang gagawa pa rin ng paraan ang isang breadwinner para sa kaniyang kapamilya na nangangailangan. 

Sa isang TikTok post, ikinuwento ng 26-anyos na si Joemar Abayon Develos, isang public school teacher, ‘yung araw na nanghingi sa kaniya ng pera ang kaniyang ama na gustong mag-renew ng lisensya.

“Kukuha si papa ng lisensya niya. Humirit siya sa akin ng ₱1K sabi ko, sige po. Gumising ako ng 3 a.m. nakita ko gising na siya then sabi niya ₱2K daw pala need niya. Dahil puyat ako, napagsalitaan ko si papa na ‘Pa, ako na ba lahat? Ako na sasagot tuition ni pangga (bunso naming nursing student) mahigit ₱30K tapos pati lisensya ba naman akin?’” kwento ni Joemar.

“After ko sabihin ‘yun, humiga si papa then nagtaklob siya ng kumot at natulog ulit. Alam kong nasaktan ko siya. Bago ako umalis, chinat ko si JR na kaibigan ko kasi wala akong pera. Nangutang ako kahit sobrang aga kasi hindi ko pala kayang tiisin tatay ko. 

Trending

Estudyante sa Thailand, naipit ulo sa railings kasusulyap kay 'Crush'

“Naisip ko bigla na ito nga pala ‘yung hiniling ko noon na ibigay lahat ng mga gusto ng magulang ko. Sobrang iyak ko after ko ibigay kay papa ang ₱2K na kailangan niya.

“Bilang anak, mahirap na inaasahan ka ng lahat. Parang ang laki ng kasalanan ko kapag may hiningi sila tapos hindi ko mabigay,” paglalahad ni Joemar.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Joemar, ibinahagi niya na no’ng araw na nanghingi ng pera ang papa niya ay sumaktong wala siyang pera. 

“Nagmamasteral din po kasi ako ngayon kaya sobrang breakdown ko that time kasi sumaktong wala akong pera nang manghingi si papa ng pera,” aniya.

Kaya naisipan niyang mangutang sa kaniyang kaibigan para may maibigay sa ama.

“Natuwa po siya [papa] kasi gusto niya po talaga ma-renew ‘yung lisensya niya,” kwento pa ni Joemar. "Napakabuti po ng magulang ko kaya ang hirap nila tanggihan."

Ang ama niya raw ay isang tricycle driver at ang ina naman niya ay nagtitinda ng almusal. Mayroon daw siyang tatlong kapatid na nag-aaral sa kolehiyo, kabilang dito ang nabanggit niyang bunso kapatid na isang nursing student. 

Samantala, nagbigay ng mensahe si Joemar sa kapwa niyang mga breadwinner. 

“Ang buhay ay maraming gustong ibato sa atin lalo na kapag tayo ay isang breadwinner sa pamilya. Maraming sakripisyo, paghihirap, at paglaban. Bilog ang kapalaran natin huwag po tayong mawawalan ng pag-asa.

“Sa mga katulad ko, itaas lang natin ito palagi sa Panginoon kasi ang katotohanan, hindi natin ito kaya mag-isa. Darating din ang araw na aanihin natin ang lahat ng kabutihan itinanim at dinilig natin sa ating mga magulang! LABAN MGA MAGDIRIGMA NG PAMILYA AT PADAYON.”

Sa naturang TikTok post, marami ring netizens ang naka-relate sa kwento ni Joemar.