January 09, 2025

Home BALITA Metro

₱13.6M halaga ng 'shabu', nakumpiska sa Sampaloc; 2 drug suspects, arestado

₱13.6M halaga ng 'shabu', nakumpiska sa Sampaloc; 2 drug suspects, arestado

Umaabot sa ₱13.6 milyon ang halaga ng hinihinalang shabu na nakumpiska ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa ikinasang buy-bust operation sa Sampaloc, Manila na nagresulta rin sa pagkaaresto sa dalawang drug suspects nitong Martes.

Kinilala ni MPD Director PBGEN Arnold Thomas Ibay ang mga naarestong suspek na sina Anthony Reyes, alyas “Saudi”, 42, ng Sampaloc, Manila; at Lovely Joy Gonzales, 38, ng Mandaluyong City.

Batay sa ulat ng MPD, nabatid na dakong alas-2:35 ng madaling araw nang maaresto ang mga suspek sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng Barbosa Police Station (PS-14), sa ilalim ng pangangasiwa ni PLTCOL Wilfredeo Fabros Jr., sa loob ng Room 409 ng Cosmotel, na matatagpuan sa P. Campa St. sa Sampaloc.

Nakatanggap umano ng tip ang mga awtoridad hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya’t kaagad silang tinarget sa buy-bust.

Metro

Mga deboto ng Jesus Nazareno, maaaring sumakay sa LRT-1 nang nakayapak

Nakumpiska mula sa mga suspek ang limang pirasong heat-sealed transparent sachets; dalawang bukas na berdeng foil heat-sealed transparent bags na naglalaman ng mga hinihinalang shabu na may tatak na “GUANYINWANG”, at buy-bust money.

Sa pagtaya ng mga awtoridad aabot sa humigit-kumulang sa dalawang kilo ng shabu, na nagkakahalaga ng ₱13,613,600 ang kanilang nakumpiska mula sa mga suspek, na kapwa nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya.

"The operation demonstrates our dedication to dismantle drug networks and bring those responsible to justice. The seizure of 13.6 million worth of illegal drugs is a testament of the hard work and collaboration of the men and women of Manila Police District,” ayon naman kay Ibay. “Patuloy naming paiigtingin ang kampanya kontra kriminalidad, ilegal na droga at terorismo upang mapanatili ang kaligtasan at seguridad sa Lungsod ng Maynila."