Patuloy pa rin ang paghahanap sa 14-anyos na dalagita na si Jemaica Rose C. Tayaban na nawawala mula pa noong Hulyo 6, 2024.
Noong Martes, Hulyo 16, sa isang Facebook post ni Meilanie Tayaban, tiyahin ni Jemaica, sinabi niyang ilang araw nang nawawala ang kaniyang pamangkin pero wala pa rin daw silang update kung nasaan na ito ngayon.
Nakatatanggap pa nga raw sila ng "prank calls, false and misleading information, rude remarks, and dubious messages."
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Meilanie, ikinuwento niya kung paano nawala si Jemaica.
Aniya, basta na lamang itong sumakay ng jeep mula sa lugar nila sa Balatoc, Virac, Itogon, Benguet patungong bayan.
"Basta po siya sumakay ng jeep mula Balatoc, Virac, Itogon, Benguet to town po. Tapos nakita siya sa Rimando Rd. Baguio noong July 7 around 4pm," aniya.
No'ng July 8, napag-alaman ng pamilya nila na may lalaking humingi ng tulong sa MSWD Paniqui sa Tarlac kasama si Jemaica.
"10 am ng July 8 naman po around 10 am to 11 am nagpatulong 'yang demonyong lalaki sa MSWD sa Paniqui, Tarlac kasi punta raw sila sa Mabalacat, Pampanga. Nanawakan daw sila kaya wala silang pera at kahit anong I.D.
"Tapos nakita po sila sa CCTV footage ng Dau Terminal no'ng July 8 din po. And 'yun na po last footage na nakita," kwento ni Meilanie
Sa panibagong update, may nag-message raw kina Meilanie na nakita si Jemaica noong July 10 sa Clark, Pampanga at July 11 naman sa Astro Park sa Pampanga kasama ang lalaki.
Ngayon ay nakikipagtulungan na rin ang pamilya ni Jemaica sa mga awtoridad.
Si Jemaica ay may taas 4'9. Ito raw ay may suot na black shirt at blue leggings nang huling namataan sa Pampanga.
Sa mga nakakita kay Jemaica o mayroong impormasyon tungkol sa kaniya, ipagbigay alam lamang sa kaniyang pamilya sa contact number na 0967-311-9690.