LINGAYEN, PANGASINAN–Labing-apat na government hospitals sa Pangasinan ang itatayo kasama ang mas marami pang hemodialysis centers sa probinsya.
Ito ay sa gitna ng bisyon ni Governor Ramon V. Guico III na pataasin ang serbisyong pangkalusugan sa lalawigan.
Ayon kay Dr. Racquel S. Ogoy, Medical Officer III, Provincial Hospital Management Services Office, layunin ng pamahalaang panlalawigan na maglagay ng hemodialysis centers sa lahat ng district hospitals.
Sa kasalukuyan ay may dalawang hemodialysis center sa probinsya, isa sa Pangasinan Provincial Hospital (PPH) sa Bolingit, San Carlos City, at isa sa Urdaneta District Hospital (UDH).
Kasama rin sa mga ospital ng distrito ang Bayambang District Hospital, Western Pangasinan District Hospital (WPDH), Eastern Pangasinan District Hospital (EPDH), Lingayen District Hospital (LDH), at Mangatarem District Hospital (MDH).
“Our target is to put up hemodialysis centers in all district hospitals in Pangasinan,” ani Dr. Ogoy.
Dagdag pa niya, naitayo na ang hemodialysis center sa WPDH at kasalukuyang pinoproseso ang akreditasyon at pagkuha ng iba pang mga permit tulad ng Environmental Compliance Certificate (ECC).
Mago-operate daw ang nasabing pasilidad na may 15 hemodialysis machines.
Samantala, sinabi ni Dr. Ogoy na magsasagawa ang lalawigan ng Advanced Cardiac Life Support (ACLS), na dadaluhan ng humigit-kumulang 50 medical at allied professionals mula sa 14 na ospital ng gobyerno.
Bahagi raw ito ng paghahanda para sa pagbubukas ng mga hemodialysis center gaya ng naisip ni Gov. Guico.