November 23, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Graduate, inialay diploma sa pumanaw na ama't ina

Graduate, inialay diploma sa pumanaw na ama't ina
Courtesy: Angelo Cuevo/FB

“May time po na nakaburol 'yung mama ko pero kailangan ko pumasok dahil exam namin…”

Inialay ng criminology graduate na si Angelo Cuevo, 21, mula sa Plaridel, Bulacan, ang kaniyang pinaghirapang diploma sa kaniyang pumanaw na ama’t ina.

Base sa viral Facebook post ng BulSU Capture, inihayag ni Cuevo na best gift niya sa kaniyang mga namayapang magulang ang kaniyang pagiging degree holder ng kursong Bachelor of Science in Criminology.

“May time po na nakaburol 'yong mama ko pero kailangan ko pong pumasok dahil exam namin. Pangarap ni mama na makapagtapos ako at gustong-gusto niyang makasama s'ya sa graduation ko kaso hindi na umabot. Itong diploma po ang best gift ko para sa kanila,” ani Cuevo sa naturang post na umani na ng mahigit 17,000 reactions, 1,000 comments, at 257 shares.

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

Sa eksklusibong panayam naman ng Balita, ibinahagi ni Cuevo na mag-third year college siya nang pumanaw ang kaniyang ama noong Nobyembre 2022. Pagkalipas lamang ng ilang buwan, Marso 14, 2023, ay sumakabilang-buhay naman ang kaniyang ina. Nilinaw rin ni Cuevo sa Balita na nagkamali lamang siya sa ibinahagi sa BulSU Capture na petsa ng taon ng pagkamatay ng kaniyang mga magulang.

“Parehas pong heart attack ang ikinamatay nila. Father ko may highblood at mother ko naman po may diabetes,” kuwento ni Cuevo.

“Finals po namin noong mamatay ang mama ko. Ayoko pong maghabol ng exam noon, kaya pumasok po ako habang nakaburol ‘yung mama ko kahit wala pong tulog,” pagbabahagi rin niya.

Hindi naging madali ang mawalan ng ama’t ina. Mula noon, ani Cuevo, mag-isa na siyang nakatira sa kanilang bahay sa Plaridel dahil kinailangan naman ng kaniyang ate na tumira sa isa nilang bahay sa kabilang barangay.

“Mahigit taon na din po akong mag-isa sa bahay, pero tita at lola ko po katabing-bahay lang din,” ani Cuevo at saka ibinahaging ang kaniyang tita at lola ang tumutulong sa kaniya pagdating sa makakain sa araw-araw.

Ginamit naman daw ni Cuevo ang iniwang savings ng kaniyang ama sa pagtatrabaho sa kanilang munisipyo para ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral at tuparin ang kaniyang pangako sa kanilang makapagtapos ng kolehiyo.

“Mas naging inspirasyon ko pong makatapos sa pag-aaral kahit hindi man po ako pinakamagaling sa klase. Alam ko po kasing kahit wala na sila, ito lang po ‘yung regalong mabibigay ko sa kanila,” saad ni Cuevo.

“Tatay at Mama, maraming salamat po sa lahat. Kayo pong dalawa ang naging inspirasyon ko para makatapos ng pag-aaral, Alam ko pong masaya kayo at proud kayo dahil nakatapos na po ako ng pag-aaral,” mensahe rin niya sa kaniyang mga magulang.

Ganap nang nakapagtapos ng kolehiyo si Cuevo sa Bulacan State University sa Malolos, Bulacan nitong Lunes, Hulyo 15, 2024.