Inanunsyo ni Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas nitong Martes, Hulyo 16, na tatakbo siya bilang senador sa 2025 midterm elections.
Sa isang press conference, sinabi ni Brosas na tatakbo siya bilang senador upang isulong ang kapakanan ng mga Pilipino, lalo na raw ng kababaihan.
“Bitbit natin ang agenda ng mga kababaihan, bata, at bayan. Bitbit natin ang politika ng pagbabago. Bitbit natin ang tiwala at suporta ninyo. Handa na tayong sumuong sa eleksyon 2025,” ani Brosas.
“Samahan n’yo po ako sa panibagong yugto ng ating pakikibaka para sa pagbabago. Buong-lakas nating dalhin ang boses ng kababaihan sa Senado,” saad pa niya.
Ang naturang pag-anunsyo ni Brosas ay nangyari matapos ihayag kamakailan ng kapwa niya Makabayan solon na si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na tatakbo ito bilang senador sa susunod na taon.
MAKI-BALITA: Rep. France Castro, tatakbong senador sa 2025: ‘Para sa tunay na pagbabago'
Matatandaan namang sinabi ni Castro kamakailan na target ng Makabayan bloc na makabuo ng 12 senatorial candidates mula sa iba’t ibang sektor, lalo na sa “marginalized sector.”
MAKI-BALITA: Makabayan bloc, target bumuo ng 12 senatorial candidates para sa 2025 -- Castro