November 23, 2024

Home FEATURES Trending

Customer nagreklamo: Ipis, nakasahog sa inorder na pancit palabok?

Customer nagreklamo: Ipis, nakasahog sa inorder na pancit palabok?
Photo courtesy: Icel Pangilinan (FB)

Usap-usapan ang pagtawag sa atensyon ng isang tindahan ng pancit palabok ng isang customer na nagngangalang "Icel Pangilinan" matapos nilang matuklasan ang isa sa mga naka-topping o sahog sa inorder nilang pancit palabok sa pamamagitan ng online delivery.

Ayon sa Facebook post ni Pangilinan, excited pa naman sila nang dumating na ang kanilang order dahil naamoy na nila ang mabangong aroma ng inorder na pagkain. Subalit halos bumaligtad ang kanilang sikmura nang buksan na umano ang takip ng palabok at tumambad sa kanila ang isang kakatwang bagay, na noong una'y inakala raw nilang pusit.

Subalit nang pakatitigang mabuti, napagtanto nilang ipis ito. Kinuhanan pa nila ito ng larawan sa malapitan.

"Shout out po Pancit ng taga Malabon tinatawagan ko po lahat ng contact details naka indicate sa cover ng palabok niyo cannot be reached. Nag chat din po ako sa FB page nyo!" mababasa sa post.

Trending

Estudyante sa Thailand, naipit ulo sa railings kasusulyap kay 'Crush'

"My intention is not to discredit the food store, but to remind food industry businesses that they should be extra careful when preparing FOOD!! Now ko lang na-experience to sa GrabFood "

"Ang saya saya pa naman namin kasi ang bango nung pag bukas ng PALABOK!! Yun pala Grabe naka toppings yung ipis, akala namin PUSIT KALOKA! Mabuti nalang CHINECK KO MUNA at hindi pa na serve sa mga staff. Grabe anxiety at trust issue nakaka disappoint kayo!"

Sumagot din si Pangilinan sa mga akusasyong baka sila lang ang naglagay ng ipis sa loob ng palabok. Ipinakita niya sa comment section ng post ang kopya ng CCTV kung saan makikitang hindi pa nila nabuksan ang pagkain bago matuklasan ang ipis dito.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Pangilinan, sinabi niyang tinawagan at nagpadala na sila ng personal na mensahe sa mga cellphone number at opisyal na social media page ng nabanggit na tindahan ng palabok subalit hindi pa sila sumasagot, nagre-react, o nakikipag-ugnayan sa kanila. Nag-refund na rin ng kanilang ibinayad ang delivery service na nagdeliver sa kanila ng bilao.

"Paulit-ulit ko po sila tinatawagan. Cannot be reached kahit sa landline," anang Pangilinan.

Giit pa ni Pangilinan, hindi sila naghahangad ng refund kundi kahit apology man lamang daw ay maibigay ng inirereklamong tindahan ng palabok.

Nakipag-ugnayan naman ang Balita sa nabanggit na tindahan ng palabok subalit hindi pa sila tumutugon. Bukas ang Balita sa kanilang panig.