34 na taon na ang nakalipas mula nang yumanig ang magnitude 7.8 na lindol sa Northern at Central Luzon. Tinawag itong "killer earthquake" dahil kumitil ito ng mahigit isang libong buhay at nakapaminsala ng hindi bababa sa 10 bilyong pisong halaga ng mga ari-arian.
Noong July 16, 1990 bandang 4:26 ng hapon, tumama ang killer earthquake sa epicenter nito sa Rizal, Nueva Ecija.
Tumagal ng 45 segundo ang pagyanig at nag-iwan ito ng matinding pinsala, partikular sa istruktura, sa mga naapektuhang lugar.
Naramdaman ang malakas na pagyanig sa Baguio City, Dagupan City, Cabanatuan City, San Fernando City, La Union, at iba pang bahagi ng Luzon.
Nagdulot din ito ng 120 kilometrong ground rupture sa kahabaan ng Digdig segment ng Philippine Fault, ayon Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Bukod dito, nagkaroon din ng mga landslide sa Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Benguet, at Maharlika National Highway sa Baguio City.
Sa kasaysayan, isa ito sa pinakamalakas at pinakamapaminsalang lindol na tumama sa bansa.
Kilala ang Pilipinas bilang isa sa mga "disaster-prone countries" sa buong mundo dahil matatagpuan ito sa “Pacific Ring of Fire” o “Circum-Pacific Belt,” kung saan kadalasang nangyayari ang mga lindol at pagsabog ng mga bulkan.