Nag-trending ang video clip ni Sherlyn Lumapas kung saan matutunghayan ang paghahakot niya ng mga grocery sa isang supermarket.
Sa Facebook post ni Sherlyn noong Biyernes, Hulyo 12, naghayag siya ng pasasalamat sa kompanyang pinagtatrabuhan niya para sa pagkilala nito sa kanilang pagsisikap bilang empleyado sa pamamagitan ng “Hakot Challenge Award.”
"On behalf of our team, gusto naming ipahayag ang aming taos-pusong pasasalamat sa Demeterland Corporation para sa pagkilala sa aming mga pagsisikap sa pamamagitan ng Hakot Challenge Award,” saad ni Sherlyn.
“Ang award na ito ay isang patunay na ang bawat pagod at sakripisyo namin ay nagbunga ng maganda. Ito rin ay nagbibigay sa amin ng mas malaking responsibilidad na magpatuloy sa aming mga adhikain at maghatid ng mas magagandang resulta,” dagdag pa niya.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Sherlyn, napag-alamang siya pala ay real estate agent sa nasabing kompanya at unang beses daw nagbigay ng ganitong parangal.
“First time lang po sila nagpahakot challenge and isa po ako sa napalad na napili nila. Ito po kasi ang isa sa mga incentive ng Demeterland Development Corporation,” saad niya.
Samantala, hindi naman daw niya inakalang magte-trending ang video na ibinahagi niya sa kaniyang Facebook account.
Ayon kay Sherlyn: “Gusto ko lang pong i-upload para magpasalamat sa company na nagbigay ng oppurnity na magpaghakot award.”
Nagbigay din siya ng reaksiyon sa mga komento ng netizen na humanga sa liksi at lakas na ipinamalas niya sa paghahakot ng mga grocery. Sa katunayan, binansagan pa nga siyang “Hakot Queen of the Year.”
“Hindi ko din po kasi akalain na magagawa ko po ‘yong magbuhat ng mabibigat na gano’n kabilis,” aniya.
Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa mahigit 219k reactions, 22k shares, at 12 million views ang kaniyang naturang video.