Ipinahayag ni Senador Risa Hontiveros na unang hakbang lamang ang pag-isyu ng arrest warrant kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo para mapanagot siya sa batas.
Matatandaang nito lamang Sabado, Hulyo 13, nang maglabas ang Senado ng arrest order laban kay Guo dahil sa hindi nito pagdalo sa mga pagdinig ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality noong Hunyo 26, 2024 at Hulyo 10, 2024.
MAKI-BALITA: Senado, naglabas na ng arrest order vs Alice Guo
“The issuance of the arrest order is only the first step to making Mayor Alice Guo or Guo Hua Ping accountable to our laws,” pahayag ni Hontiveros nito ring Sabado.
“Sa dami ng kasinungalingan at posibleng krimen ni Mayor Alice at ng lahat ng sangkot sa POGO, this is not merely procedural. This arrest order upholds the mandate of the Senate to safeguard well-being of Filipinos,” dagdag niya.
Ayon pa sa senadora, hihintayin pa rin ng Senate committee si Guo, at pitong iba pang nakasama niya sa naturang arrest warrant, upang magpaliwanag hinggil sa na-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Bamban.
“Patuloy naming hinihintay sa Senado ang kanyang pagdalo sa susunod na hearing, kasama na ang lahat ng taong nasa listahan na cited in contempt,” ani Hontiveros.
“Magpakita na kayo. Hindi mabubura ng inyong pagtatago ang katotohanan,” saad pa niya.
Bukod naman sa isyu ng POGO hub ay kasalukuyan ding iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kontrobersyal na identidad ni Guo.
Matatandaang kamakailan lamang ay isiniwalat ni Hontiveros na kinumpirma na ng National Bureau of Investigation (NBI) na iisa lamang si Guo at ang isang Chinese national na “Guo Hua Ping.”
MAKI-BALITA: NBI, kinumpirmang iisa lang si Alice Guo at Guo Hua Ping -- Hontiveros