Tinawag ni Senador Risa Hontiveros na “napakairesponsable” ang naging pahayag ni Vice Presidente Sara Duterte na itinatalaga niya ang kaniyang sarili bilang “designated survivor” matapos niyang ianunsyong hindi siya dadalo sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Matatandaang noong Huwebes, Hulyo 11, nang ianunsyo ni VP Sara na hindi siya dadalo sa SONA ni Marcos, at itinatalaga niya ang kaniyang sarili bilang “designated survivor.”
MAKI-BALITA: VP Sara, hindi dadalo sa SONA ni PBBM
Sa panayam naman ng DWIZ nitong Sabado, Hulyo 13, na inulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Hontiveros na kung biro man umano ang naturang pahayag ni Duterte, ito raw ay “napakasamang biro."
"Kung biro man yan ay napakasamang biro, kasi anong ibig sabihin niyan, banta ba ‘yan kanino, banta ba ‘yan saan?" giit ni Hontiveros.
"Napakairesponsable, reckless statement ng isang pangalawang pinakamataas na opisyal ng ating bansa na dapat nagbibigay ng magandang halimbawa ng respeto sa kapwa na katrabaho niya sa gobyerno at respeto sa isa sa pinakamahalagang gawain ng kongreso taon-taon. Kaya napakasamang halimbawa talaga niyan,” saad pa niya.
Nakatakdang ganapin ang ikatlong SONA ni Marcos sa Hulyo 22, 2024 sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.