Ibinahagi ni dating Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang kaniyang panonood ng Netflix series na “Designated Survivor,” kung saan sinabi niyang mayroon umanong “bida-bida” doon.
Sa isang X post nitong Biyernes, Hulyo 12, makikita ang isang video ni Pangilinan na nanonood ng “Designated Survivor” habang kinakausap naman siya ng kaniyang staff.“Sir, may meeting pa po kayo. Tara na po,” anang staff ni Pangilinan.
“Teka muna, nanonood pa ako ng Designated Survivor eh. May bida-bida rito,” sagot naman ng dating senador.
Nang tanungin ng kaniyang staff kung sino ang tinutukoy niyang bida-bida, ani Pangilinan: “No comment. Manood ka na lang para hindi ka ma-spoil.”
Ang naturang post ni Pangilinan ay nangyari matapos sabihin ni Vice President Sara Duterte noong Huwebes, Hulyo 11, na itinatalaga niya ang kaniyang sarili bilang “designated survivor” nang ianunsyo niyang hindi siya dadalo sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
"I will not attend the SONA... I am appointing myself as the designated survivor,” ani Duterte.
MAKI-BALITA: VP Sara, hindi dadalo sa SONA ni PBBM
Kaugnay nito, ilang mga mambabatas naman, tulad ni Camiguin lone district Rep. Jurdin Jesus Romualdo, ang hindi nagustuhan ang pahayag ni Duterte, at sinabing hindi dapat nito gawing basehan ang Netflix para sa kaniyang mga aksyon.
MAKI-BALITA: VP Sara, 'di dapat pagbasehan Netflix ng kaniyang mga aksyon -- Camiguin solon