Muling iginiit ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na isang siyang Pilipino, ilang linggo matapos isiwalat ng National Bureau of Investigation (NBI) na iisa lamang siya at ang isang Chinese national na “Guo Hua Ping.”
Matatandaang noong Hunyo 27, 2024 nang ianunsyo ni Senador Risa Hontiveros na kinumpirma na ng NBI na nag-match ang fingerprints ni Guo at ng isang “Guo Hua Ping.”
MAKI-BALITA: NBI, kinumpirmang iisa lang si Alice Guo at Guo Hua Ping -- Hontiveros
Sa isa namang Facebook post nitong Biyernes, Hulyo 12, muling iginiit ni Guo na isa siyang Pilipino at mahal na mahal daw niya ang Pilipinas.
“Ako po ay isang FILIPINO. At MAY MALAKING puso for BAMBAN at mahal na mahal ko ang Pilipinas,” ani Guo.
“Always remember Ka Bamban. Challenging but will never Give Up.. Everything is temporary! LOVE ko po kayo! God bless us all!,” saad pa niya.
Samantala, sa naturang post ay inihayag din ng sinuspendeng alkalde na hindi siya nagsisising pumasok sa politika kahit na labis umano siyang nasaktan nito.
MAKI-BALITA: Kahit 'nasaktan nang husto': Alice Guo, 'di nagsisising pumasok sa politika
Ang naturang post ni Guo ay isang araw bago ilabas ng Senado ang arrest order laban sa kaniya nitong Sabado, Hulyo 13, dahil sa hindi raw niya pagdalo sa mga pagdinig ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality noong Hunyo 26, 2024 at Hulyo 10, 2024 kaugnay ng na-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Bamban.
MAKI-BALITA: Senado, naglabas na ng arrest order vs Alice Guo