January 09, 2025

Home BALITA Metro

Pagsisilbi ng warrant of arrest, nauwi sa engkwentro; 2 patay

Pagsisilbi ng warrant of arrest, nauwi sa engkwentro; 2 patay

Patay ang dalawang suspek habang apat na pulis naman ang sugatan nang mauwi sa engkwentro ang pagsisilbi sana ng warrant of arrest ng mga ito sa Tondo, Manila nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ni Manila Police District (MPD) director PBGEN Arnold Thomas Ibay ang mga napatay na suspek na sina Archie Juco, alyas 'RJ Bata,' at isang alyas 'Mac Mac.'

Samantala, sugatan naman ang apat na pulis sa naturang insidente na kinilalang sina PLTCOL John Guiagui, na siyang namuno sa operasyon, PMAJ Emmark Dave Apostol, PMSg Julius Omolon at PCpl Keith Paul Valdez.

Batay sa ulat, dakong alas-10:40 ng gabi nang maganap ang engkwentro sa 2648 Pinoy St. Barangay 145 Zone 12, Balut, Tondo.

Metro

Mga deboto ng Jesus Nazareno, maaaring sumakay sa LRT-1 nang nakayapak

Nauna rito, nakatanggap ng tip ang mga pulis hinggil sa kinaroroonan ni Juco, na wanted sa kasong murder at inisyuhan ng warrant of arrest ni Hon. Cirile Maduro Foja, Presiding Judge ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 6, noong Marso 18, 2024. 

Nang makumpirma ang ulat, kaagad na nagkasa ng operasyon ang mga tauhan ng District Intelligence Division, District Police Intelligence Operating Unit, Special Mayors Reaction Team, Raxabago Police Station at Special Weapons and Tactics, upang isilbi ang warrant of arrest sa suspek, na sinasabing 'armed and dangerous' at protektado ng kanyang gang na Alcantara Criminal Group.

Gayunman, habang papalapit ang grupo sa hideout ni Juco, ay namataan sila ng nobya nito, kaya't kaagad na isinara ang pinto at inalarma ang suspek, na mabilis na tumakas.

Tinugis naman ng mga pulis ang suspek, ngunit sa halip na sumuko ay nagpaputok pa ng baril sa mga awtoridad.

Habang nagaganap ang palitan ng putok sa pagitan ng suspek at mga pulis, tinangka pa umano ng suspek na pasabugan ng granada ang mga humahabol na pulis, ngunit mabuti na lamang ay hindi ito sumabog.

Natapos lamang ang palitan ng putok nang mapuruhan ng mga pulis sina Juco at alyas Mac Mac.

Habang sugatan naman ang mga naturang pulis, na kaagad na naisugod sa pagamutan at nalapatan na ng lunas.

Inaresto rin naman ng mga pulis ang nobya ni Juco dahil sa ginawa nitong tangkang paghadlang sa pag-aresto sa suspek.

Lumitaw sa imbestigasyon na si Juco ay maraming warrant of arrest at sangkot sa serye ng insidente ng pamamaril sa Maynila, na naganap noong Disyembre 19, 2023, Abril 3, 2024 at Hunyo 21, 2024; Carnapping, Illegal Drugs at Gun for Hire.

Kaugnay nito, binigyan naman ng medalya ng kagitingan nina DILG Secretary Benhur Abalos, NCRPO Director PBGen Jose Melencio Nartatez Jr,. at Ibay ang mga nasugatang pulis.