Kinumpirma mismo ni Vice President Sara Duterte na hindi siya dadalo sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa darating na Hulyo 22, 2024.
Sinabi ito ni Duterte sa naganap na inauguration ng Child and Adolescent Neurodevelopment Center sa isang ospital sa Davao City nitong Huwebes, Hulyo 11.
Pahayag ng pangalawang pangulo, "I will not attend the SONA... I am appointing myself as the designated survivor."
Hindi na nagbigay ng detalye si VP Sara kung bakit hindi siya dadalo sa SONA.
Bukod sa kaniya, hindi rin makadadalo sa SONA ang mga dating pangalawang pangulo ng bansa gaya nina Kabayan Noli De Castro, Jejomar Binay, at Leni Robredo.
Matatandaang kamakailan lamang ay nagbitiw bilang gabinete ng pangulo si VP Sara, bilang kalihim ng Department of Education (DepEd). Ang papalit naman sa kaniya ay si Senador Sonny Angara. Sa kabila nito, ipinangako ni VP Sara na mananatili siya sa pagganap sa tungkulin bilang pangalawang pangulo ng bansa.
MAKI-BALITA: VP Sara sa pagbibitiw bilang DepEd Secretary: ‘Hindi lulan ng kahinaan’
Sa mga nagdaang buwan ay naging laman din ng balita ang mga tirada ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga kapatid na sina Cong. Paolo "Pulong" Duterte at Davao City Mayor Sebastian "Baste" Duterte laban sa administrasyon.