Iginiit ni Makabayan Coalition Chairperson at Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares na hindi umano kailanman kikilalaning tunay na oposisyon ang mga Duterte.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, Hulyo 11, sinabi ni Colmenares na ang Makabayan Coalition ang tunay na oposisyon “na may matatag na prinsipyo at paninindigan para sa sambayanan.”
“Ang paglilinaw namin tungkol sa mga ‘pretender’ sa darating na halalan – hindi tunay na oposisyon ang mga Duterte at hindi sila kailanman kikilalanin oposisyon,” giit ni Colmenares.
“Ang Makabayan ang tunay na oposisyon, kami ang consistent na hindi bumibitiw sa plataporma at prinsipyo ng mamamayang Pilipino, anumang administrasyon bilang oposisyon sa anti-people policies ng gobyerno,” saad pa niya.
Kaugnay nito, inihayag ng Makabayan Coalition nito ring Huwebes na nagsisimula na silang bumuo ng 12 senatorial candidates para sa 2025 midterm elections.
Ang naturang pahayag ni Colmenares at aksyon ng Makabayan Coalition ay nangyari matapos ianunsyo ni Vice President Sara Duterte noong Hunyo, 25, 2024 na tatakbo bilang senador ang kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga kapatid na sila Congressman Pulong Duterte at Davao City Mayor Baste Duterte.
MAKI-BALITA: Tatlong Duterte, tatakbo sa pagka-senador sa 2025
Samantala, matatandaang itinanggi ni Ex-Pres. Duterte noong Hunyo 29, 2024 ang naturang pahayag ni VP Sara.
MAKI-BALITA: Digong sa pagtakbo raw nilang mag-aama bilang senador: 'Maniwala ka kay Inday?'
Sinabi rin ng dating pangulo na hindi na umano siya babalik ng politika.
MAKI-BALITA: 'Laos na ako!' Ex-Pres. Duterte, 'di na raw babalik sa politika
Samantala, matatandaan ding iginiit kamakailan ng mga kaalyado ng mga Duterte, katulad ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque, na ang naging pagbibitiw daw ni VP Sara sa gabinete ni Pangulong Bongbong Marcos ang hudyat na nalusaw na ang kanilang grupo noong 2022 national elections na “UniTeam.”
Ayon pa kay Roque, si VP Sara na umano ang magiging lider ng oposisyon.
“Uniteam has formally been dissolved and she has just become the leader of the opposition,” giit ni Roque kamakailan.
MAKI-BALITA: UniTeam, dissolved na! Harry Roque nag-react sa pagbibitiw ni VP Sara
Itinanggi rin naman ni VP Sara na siya na ang bagong lider ng oposisyon.
MAKI-BALITA: VP Sara, itinangging siya ang bagong 'opposition leader'