Maglalaan pa rin ang House of Representatives ng upuan para kay Vice President Sara Duterte sakaling magbago ang isip niya at mapagdesisyunan ding dumalo sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ayon kay House Secretary-General Reginald Velasco.
Sinabi ito ni Velasco sa panayam ng mga mamamahayag na inulat ng Manila Bulletin nitong Huwebes, Hulyo 11, ilang sandali matapos ianunsyo ni Duterte na hindi siya dadalo sa SONA ng pangulo.
MAKI-BALITA: VP Sara, hindi dadalo sa SONA ni PBBM
"Hindi naman namin tatanggalan [ng upuan] dahil mayroon pong mga guest kami, last minute, nagre-reconfirm na , 'Oy, tuloy pala ako,' ganun. We reserve a seat for her, regardless," ani Velasco.
Sinabi rin ni Velasco na nakikipag-ugnayan sila sa opisina ni Duterte para sa opisyal na kumpirmasyon kung dadalo ito sa SONA o hindi.
"Kahit na sabihing ganun, we still reserve a seat for her just in case may last-minute decision siya. Ganun kasi ‘yung treatment namin to any guest eh, especially mga VIP (very important persons),” saad pa ni Velasco.
Nakatakdang mag-SONA si Marcos sa plenary hall of Batasang Pambansa Complex sa Hulyo 22, 2024.