Mahigit 53,000 Manilenyo ang makikinabang sa social amelioration program (SAP) ng Manila City Government ngayong buwan.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, ang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Manila Social Welfare Department (MDSW) at ng hepe nito na si Re Fugoso, ay mamamahagi ng monthly allowances sa ilang sektor sa ilalim ng SAP, na ipinasa ng Manila City Council sa panahon ni Lacuna bilang Presiding Officer.
Kabilang sa mga sektor na ito ay kinabibilangan ng persons with disablity (PWDs), solo parents at minors with disablity (MWDs) na idinagdag sa listahan ng mga recipients kamakailan.
Ayon kay Lacuna, ang mga benepisyaryo ay tatanggap ng kanilang cash allowances na P3,000 bawat isa para sa buwan ng Enero hanggang Hunyo na P500 kada buwan.
Ang kabuuang bilang ng mga tatanggap ay 53,124 habang ang kabuuang halaga ng ipamimigay ay mahigit P157 milyon .
Nanawagan naman si Lacuna sa mga recipients na gamitin ang pera sa maayos na paraan at huwag gamitin sa bisyo.
Ang mga benepisyaryo ay binubuo ng 35,235 PWDs, kabuuang 3820 MWDs at 14,069 solo parents.
Sinabi naman ng alkalde na bagamat hindi man kalakihan ang halaga, ay pamamaraan naman ito ng pamahalaang lungsod sa pagpapakita ng malasakit sa mga residente upang kahit papano ay matulungan sila sa kanilang kalagayan.
Hinikayat din ng alkalde ang mga recipients na bisitahin ang DSWD Manila's Facebook page o magtanong sa kanilang mga barangay kung paano makukuha ang nasabing benepisyo.