Isiniwalat ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) Chairman and Chief Executive Officer (CEO) Alejandro Tengco na si dating presidential spokesperson Harry Roque ang nakipag-ugnayan sa ngalan ng isang kompanya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Pampanga na ni-raid ng mga awtoridad nang dalawang beses noong Hunyo dahil sa umano'y torture, scam, at human trafficking.
Sa pagpapatuloy ng Senate hearing para sa POGO-related crimes nitong Miyerkules, Hulyo 10, sinabi ng Pagcor chief, nagtungo si Roque sa kaniyang tanggapan noong Hulyo 2023 upang mag-lobby umano ng solusyon sa financial issues ng naturang kompanya.
Ayon kay Tengco, sinamahan ni Roque ang authorized representative ng Lucky South 99 na si Katherine Cassandra Ong nang mag-meeting sila noong Hulyo 2023.
Kasama rin sa meeting si Pagcor Assistant Vice President for Offshore Gaming License Department Jessa Mariz Fernandez.
Ayon kay Tengco, humingi raw ng tulong si Ong sa Pagcor tungkol sa pagbabayad ng billing ng Lucky South 99, na may halagang $500,000. Ipinagkatiwala raw ni Ong ang pagbabayad kay Dennis Cunanan, na ayon kay Ong, ay hindi umano na-remit sa Pagcor.
Humingi aniya si Ong ng kaunting palugit para payagang magbayad nang installment.
Kalaunan, sinabi niyang nag-apply ng bagong lisensya ang Lucky South 99 sa ilalim ng bagong guidelines ng Pagcor noong Setyembre 2023 at si Roque ang nag-follow up sa opisina ni Fernandez para tingnan ang status ng kanilang aplikasyon.
Gayunman, ni-reject ng Pagcor ang aplikasyon ng Lucky South 99.
Nilinaw ni Tengco na hindi raw sila prinessure ni Roque bagkus ay nakipag-usap lamang ito sa ngalan ng kompanya.
“Sinamahan po niya. Maliwanag po yun. Dahil doon ko po nakilala si Binibining Cassandra. Doon nga pala tinanong ko rin if I may just, ‘Ma'am bakit po si Dennis Cunanan ang inyong representative kung kayo naman ang talagang nagpapatakbo niyan?’," paglalahad ng Pagcor chief.
“Noon daw pong panahon na nag-a-apply sila ng lisensya, siya daw po ay inadvise-an ng kanyang abogado at ng Pagcor na baka masyado siyang bata na maging authorized representative," dagdag pa niya.
Sinabi ni Tengco na hindi nakipag-ugnayan si Roque sa kaniyang opisina ngunit patuloy na humihingi ng update sa status ng aplikasyon ng Lucky South 99 kay Fernandez, na namumuno sa licensing department.
Nang tanungin kung ilang beses tumawag si Roque sa kaniyang opisina, sinabi ni Fernandez sa mga senador na anim na beses daw ito tumawag—tatlong tawag ang kanilang nasagot, dalawa ang hindi.
“And then in May 14, 2024, in-inform ko po siya ng decision po namin na i-deny ang application ng Lucky South because nakakita na po talaga kami ng reason para po hindi na po talaga sila bigyan ng lisensya at that time," ani Fernandez.
Matatandaang nauna nang itinanggi ni Roque na may ugnayan siya sa Lucky South 99 matapos makakuha ng kopya ng dokumento ang Rappler na nagpapakitang siya ang "legal head" ng naturang iligal na POGO hub.
Ang naturang dokumento ay ginamit ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa hearing nitong Miyerkules.
SAMANTALA, naglabas na ng pahayag si Roque tungkol sa naturang POGO. Aniya, hindi siya ang legal counsel ng Lucky South 99 o ng anumang iligal na POGO.
BASAHIN: Roque, itinangging legal counsel siya ng isang iligal na POGO