November 23, 2024

Home BALITA Metro

2 kabataang nambato ng silya sa mga referee, pinangaralan, pinarusahan ni Mayor Biazon

2 kabataang nambato ng silya sa mga referee, pinangaralan, pinarusahan ni Mayor Biazon
photos courtesy: Mayor Ruffy Biazon/FB via Balita

Humarap na kay Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon ang dalawang kabataang nambato umano ng silya sa mga referee sa nangyaring kaguluhan sa La Liga de Muntinlupa Basketball Tournament 2024 noong Hulyo 5.

Una na rito, naglabas ng pahayag si Biazon nang una niya niyang mabalitaan ang nangyari. Aniya, ikinalulungkot niya ang nangyaring kaguluhan.

BASAHIN: Riot sa basketball championship sa Muntinlupa, iimbestigahan ni Mayor Biazon

Nitong Lunes, nagbigay ng update ang alkalde at sinabi niyang humarap na sa kaniya ang dalawang kabataang sangkot sa gulo at humingi raw ng tawad. 

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Pinangaralan daw niya ang dalawa sa nagawa ng mga ito.

"Mabuti naman at tumugon sila sa panawagan ko matapos ang nangyaring gulo sa Muntinlupa Sports Center. Pinangaralan ko ang dalawang kabataan sa nagawa nila. Sabi ko magbago na sila at huwag magpapadala sa init ng ulo. Walang saysay ang magmatapang lalo na kung biglang nakatapat sila ng mas matapang o halang ang bituka. Sila lang din ang pwede mapahamak," ani Biazon.

Sinabihan din niya na humingi ng tawad ang mga ito sa organizing committee at sa mga opisyal.

Bilang parusa, isasailalim ang dalawang kabataan sa community service. 

"Sinabihan ko din sila na humingi ng tawad sa organizing committee at sa officials. Pinagagawa ko din sila ng community service bilang parusa at pagtitika nila sa mga Muntinlupeño sa nagawa nilang karahasan," pahayag pa ng Muntinlupa mayor.

"Sana ay magsilbing aral ito sa kanila."

BASAHIN: Riot sa basketball championship sa Muntinlupa, iimbestigahan ni Mayor Biazon

Samantala, may dalawa pang hinahanap si Biazon na sangkot din umano sa kaguluhan.

"Matapos tumugon sa panawagan ko ang dalawang kabataang nambato ng silya noong basketball game sa Muntinlupa Sports Center, nananawagan naman ako sa dalawang ito na nasangkot din sa gulo," saad niya sa isang Facebook post.

"Ang isa ay nambato din ng silya at ang isa naman ay nanuntok ng referee sa likod ng ulo. Aantayin ko kayo hanggang Wednesday."