Inamin ni "Wil To Win" host Willie Revillame na nawawalan siya ng amor o ganang pumasok sa politika dahil sa mga napapanood na kaliwa't kanang bangayan ng public officials, nang sumalang siya sa "Seryosong Usapan," isang no-holds barred conversation hosted by Gretchen Ho kasama sina Ed Lingao, Patrick Paez at Lourd De Veyra sa TV5.
Isa sa mga nausisa sa nagbabalik-Kapatid na si Willie ay kung papasok ba siya sa politika, lalo't sinabi niya kamakailan na mukhang handa na siyang tumakbo bilang senador sa paparating na midterms election sa 2025.
MAKI-BALITA: Willie Revillame handa nang tumakbo para senador sa 2025
Honestly speaking daw ay parang nawalan nga siya ng amor dahil sa mga napapanood siya sa Senate at Congress hearings.
Katwiran ni Willie, kapag may kampanya lang daw may unity at kung ano-anong ipinapangako sa mga botante, pero kapag nakaposisyon na, ay kaniya-kaniya na.
"I'll be honest, nanonood ako ng senate hearing... inilalagay ko 'yong sarili ko what if nandiyan ako, anong magagawa ko, pero 'pag nakikita kong nag-aaway at nakikita kong parang walang unity, parang naffu-frustrate ako," saad ng TV host.
"Ang sinasabi ko, 'pag nagkakampanya, magkakasama tayong lahat, 'pag nangangampanya puro pangako ang ginagawa natin sa tao pero kapag nakaposisyon ka na, nag-iiba na ang lahat. That is my opinion."
"Kasi ang pagserbisyo sa tao hindi naman 'yong sa pagkampanya lang..." giit pa ni Willie.
Matatandaang inamin ni Willie noon na tinanggihan niya ang alok ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo siyang senador sa ilalim ng UniTeam dahil sa palagay niya ay hindi pa siya handa at hindi ganoon kalawak ang kaniyang kaalaman patungkol sa mga tungkuling kaakibat ng isang mambabatas.
MAKI-BALITA: Willie Revillame, hindi tatakbo sa senado: ‘Hindi ko po kailangang kumandidato’