Inamin ng award-winning writer na si Ricky Lee na hindi raw niya inasahan na hihirangin siya bilang National Artist for Film and Broadcast Arts noong 2022.
Sa latest episode kasi ng “Toni Talks” nitong Linggo, Hulyo 7, tinanong ni Ultimate Multimedia Star Toni Gonzaga kung anong naramdaman ni Ricky nang igawad sa kaniya ang naturang parangal.
“Years ago, may mga bumubulong-bulong. Pero hindi mo naman ine-expect ‘yon, e. Madi-disappoint ka lang. Aside from, hindi naman ako gano’ng tao, e,” lahad ni Ricky.
“Pero no’ng dumating, parang blessing. Hindi lang for me kundi para sa mga writers. Kasi ‘di ba ang writer usually, wala sa trailers ‘yong pangalan. Nakakalimutan sa poster,” wika niya.
Dagdag pa niya: “So, in a way, ‘yong karangalan na gaya ng National Artist parang karangalan na rin naming lahat na writers. So, maski nakakahiya nang konti, okay na rin.”
Ang National Artist award ang isa sa pinakamalaking parangal na maaaring tanggapin ng isang manlilikha sa iba’t ibang anyo ng sining tulad ng panitikan, musika, sining-biswal, teatro, arkitektura, pelikula, broadcast arts at iba pa.
MAKI-BALITA: Panawagan para sa 'Order of National Artist' nominations, bukas na