December 24, 2024

Home BALITA Metro

Lalaking nagpa-despedida, tinakasan higit ₱80K bill sa bar, timbog!

Lalaking nagpa-despedida, tinakasan higit ₱80K bill sa bar, timbog!
MPD PIO via ABS-CBN News

Arestado ang lalaki at kasama nitong babae nang takasan umano ang mahigit ₱80,000 na bill sa isang bar kung saan ginanap ang despedida ng una. 

Sa ulat ng ABS-CBN News, ibinahagi ni PMaj. Philip Ines ng Manila Police District na nagpunta ang dalawa sa bar at iba pa nilang kasamahan.

Pinasara raw ni alyas 'Adrian' ang bar para magpa-despedida bago sumampa umano ng barko para magtrabaho bilang seaman. 

Ayon kay PMaj. Ines, nagalit at sinaktan daw ni Adrian ang waiter nang malaman na umabot na sa mahigit ₱80,000 ang babayaran.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Dagdag ng ulat, ikinuwento ng waiter na si Jerby Dela Cruz na dumating si Adrian at sinabi raw na makikipag-inuman siya kasama ang ilang mga kaibigan. 

Sinabi raw nito sa kaniya na ₱15,000 lang ang budget. Pumayag daw siya sa offer no'ng lalaki dahil wala naman daw silang kinikita lagi sa bar. 

Pagpatak ng alas-3 ng madaling araw, lumobo raw sa ₱70,000 ang bill. Kaya kinausap na raw niya si Adrian.

"No'ng tumagal tagal na, ₱70K na. Tapos ang usapan magbabayad siya mga 1, 2, 3 [a.m.]... hanggang sa pumayag kami hanggang alas-3 na. Hindi na ako nakatiis kinausap ko siya nang masinsinan at tinanong ko kung may pera ba siya. Tapos sabi niya sa akin, 'Anong akala mo sa akin walang pera?' Ayon doon na nangyari 'yung gulo," kwento ng waiter.

Dahil sa nangyaring komosyon, sinabi ni PMaj. Ines na nakahingi ng tulong sa pulis ang mga tao sa bar kaya nahuli ang dalawang suspek. 

Hindi raw nagbayad si Adrian sa bar at agad silang dinala sa Sampaloc Police Station. 

Samantala, iginiit ng babaeng kasama ni Adrian na niyaya lang siyang makipag-date nito sa naturang bar. Hindi rin nagbigay ng komento ang lalaking suspek.

Mahaharap sila sa reklamong estafa. Bukod dito, mahaharap din ang lalaki sa reklamong physical injuries.