Posibleng maharap sa kasong “obstruction of justice” si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa naging pahayag nito kamakailan na alam niya kung nasaan si Pastor Apollo Quiboloy, ngunit “secret” lang daw niya.
Sinabi ito ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa isang press briefing nitong Lunes, Hulyo 8.
Ayon kay Marbil, ang “obstruction of justice” o Presidential Decree No. 1829 ang maaaring ikaso sa mga taong nagtatago hindi sinasabi kung nasaan kung nasaan ang isang puganteng pinaghahanap ng mga awtoridad, tulad ni Quiboloy.
Kaugnay nito, sinabi ng PNP chief na pinag-aaralan na nila ang naging pahayag ni Duterte hinggil sa kinaroroonan ni Quiboloy.
MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte, alam kung nasaan si Pastor Quiboloy: 'Pero secret!'
“We are looking for any statement na nagsasabi kung nasaan ang tao. Pinag-aaralan po namin kung talagang papasok po doon sa PD 1829. We are just waiting for witnesses po na ito po ang sinabi niya para mag-file po ang PNP kung talagang nagwa-warrant po rito sa PD 1829,” saad ni Marbil.
Samantala, sa naturang press briefing ay inanunsyo naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na bibigyan ng ₱10 milyong pabuya ang sinumang makapagbibigay ng impormasyong magiging dahilan ng pagka-aresto kay Quiboloy.
Ang naturang pagbibigay-pabuya sa kay Quiboloy ay may kaugnayan daw sa kinahaharap niyang kasong sa kasong “ANTI-TRAFFICKING IN PERSONS ACT OF 2003 (RA 9208 AS AMENDED BY RA 10364), REPUBLIC ACT 7610 (SPECIAL PROTECTION OF CHILDREN AGAINST ABUSE, EXPLOITATION, AND DISCRIMINATION ACT), AND CONTEMPT OF COURT.”
MAKI-BALITA: P10M pabuya, ibibigay sa makapagtuturo kay Quiboloy -- Abalos