Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Lunes, Hulyo 8, na ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ang kasalukuyang nakaaapekto sa ilang bahagi ng bansa.
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng umaga, inaasahang magdudulot ang easterlies ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan sa Eastern Visayas, Bicol Region, Quezon, Aurora, Isabela, at Cagayan.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng mga pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Samantala, inaasahan din namang makararanas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong mga pag-ulan o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.
Maaari rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).