Nag-react si Senador Alan Peter Cayetano sa naging paghain ni Senador Nancy Binay ng ethics complaint laban sa kaniya matapos niya itong sabihan ng “Marites” at “nabubuang na” sa pagdinig ng Senado kamakailan.
Ang naturang reklamo ni Binay ay may kaugnayan sa nangyaring bangayan nila ni Cayetano sa pagdinig ng Senate Committee on Accounts noong Miyerkules, Hulyo 3, hinggil sa bagong Senate building.
MAKI-BALITA: Matapos sabihang 'Marites,' 'nabubuang na': Binay, naghain ng ethics complaint vs Cayetano
Matatandaang sa nangyaring pagdinig, nag-walk out ni Binay matapos nilang magkainitan ni Cayetano, kung saan kinuwestiyon ng senadora kung paano umabot sa halagang ₱23 bilyon ang budget ng Senate building, dahil hindi umano ito makikita sa mga dokumento ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Binay, ₱21 bilyon lamang umano ang kasalukuyang budget ng bagong Senate building, ngunit iginiit ni Cayetano na ₱23 bilyon ang kabuuang pondo dahil bukod daw sa naturang ₱21.7 bilyon ay kasama rin daw dito ang ₱1.6 bilyon sa pagbili ng lupa.
MAKI-BALITA: Binay, nag-walk out nang makainitan si Cayetano sa Senate hearing
MAKI-BALITA: Cayetano sa pag-walk out ni Binay: 'Nabuang ka na, Day! Senado 'to, hindi palengke!'
Matapos namang maghain ng ethics complaint ni Binay nitong Lunes, sinabi ni Cayetano sa panayam ng mga mamamahayag na base umano sa larawan ni Binay nang magsampa ito ng reklamo, mas mukha pa raw itong “guilty.”
“Actually sinend sa’kin ‘yung picture eh. Sabi ko, first time ko makakita na siya nag-file, pero siya mukhang guilty,” ani Cayetano.
Ayon pa sa senador, dapat umanong linawin na lamang nila nang “mahinahon” ang isyu dahil marami pa raw mga problema ang bansa na dapat pagtuunan ng pansin.
“Simpleng simple lang naman ito eh. Isa lang ang pinag-uusapan natin dito. Magkano talaga ang Senate building? Dapat ba talaga nating gastusin ang ₱23 billion or more? We started this investigation, this review, na wala tayong sinasabing may anomalya, wala tayong sinasabing may irregularity. Simple lang, ₱23 billion kasama ‘yung lupa, masyadong mahal,” giit ni Cayetano.
“What did Senator Binay do? She started going around. Nagmama-Marites. Nagkakalat ng kung ano-anong tsismis, at kasama sa official chismis na kinakalat is that mali ‘yung numbers namin. She can correct it anytime,” dagdag niya.
Matatandaang si Binay ang dating chairperson ng Senate Committee on Accounts. Si Cayetano naman ang bagong itinalaga sa pwesto matapos matapos magbitiw ng senadora nang patalsikin kamakailan si Senador Migz Zubiri bilang Senate president.