Sa pambihirang pagkakataon ay napagsama-sama ang apat na Miss Universe mula sa Pilipinas sa naganap na coronation night ng Binibining Pilipinas 2024 sa Smart Araneta Coliseum, Cubao, Quezon City nitong araw ng Linggo, Hulyo 7.
Makikita sa isang frame ang apat na Miss Universe matapos silang haranahin ng SB19, Martin Nievera, at Gary Valenciano bilang tribute sa mga nagwaging Binibining Pilipinas.
Noong wala pang Miss Universe Philippines, ang nagwawagi sa Binibining Pilipinas ang kumakatawan sa Miss Universe pageant.
Sina Gloria Diaz, Margie Moran, Pia Wurtzbach, at Catriona Gray ay nagmula sa Binibining Pilipinas, bago magkaroon ng Miss Universe Philippines noong 2020.
Si Gloria ang kauna-unahang Miss Universe mula sa Pilipinas noong 1969, at ang sumunod naman sa yapak niya ay si Margie Moran noong 1973.
Si Pia naman ay nagwagi noong 2015 habang si Catriona naman ay noong 2018.
Samantala, ang mga nagwagi naman sa nabanggit na coronation night ay sina Myrna Esguerra na siyang itinanghal na Binibining Pilipinas International at si Jasmin Bungay bilang Binibining Pilipinas. Si Christal Jean Dela Cruz naman ang first runner-up at si Trisha Martinez naman ay second runner-up.