Nagpahayag ng pagbati si Vice President Sara Duterte sa mga kapatid na Muslim na nagdiriwang ng Islamic New Year o Amun Jadid ngayong Linggo, Hulyo 7.
Sa isang pahayag, sinabi ni Duterte na isang pagkakataon ang Amun Jadid para “itaguyod ang makabuluhang pamumuhay at harapin ang mga hamon na dala ng panahon na may mga pusong mas pinatibay ng pagmamahal, pag-asa, at pananampalataya.”
“Patuloy din tayong maging mabubuting Pilipino at magkaisa lagi para maabot natin ang ating mga pangarap at mamuhay ng matatag, masaya, at mapayapa,” ani Duterte.
Ayon pa sa bise presidente, nawa'y hindi raw humina ang kanilang pananampalataya kay Allah at pasiglahin sila nito sa lahat ng oras.
“Nawa’y sa inyong pagharap sa panibagong taon, lagi ninyong tatandaan na kayo ay may malalim na pinagmulan ng lakas at pag-asa,” saad ni Duterte.
“Hinaot unta nga dili molubad ang inyong pagtuo kay Allah ug kini mopadasig ninyo sa tanang panahon — ug unta mahimo kining lamdag sa katawhan sa panahon sa mga pagsulay ug kalisod. Muli, isang mapayapang Islamic New Year sa inyong lahat! Shukran,” dagdag pa niya.