Tila sagabal daw ang pagkakaroon ng life partner sa pag-abot ng pinapangarap na tagumpay ng isang tao ayon sa social media personality na si Xian Gaza.
Kaya sa isang Facebook post ni Xian nitong Hulyo 6, nagmungkahi siya na huwag munang pumasok sa isang seryosong relasyon ang mga taong nasa edad 25.
Ayon kay Xian, totoong masarap daw magkaroon ng katuwang sa buhay dahil hindi nakakalungkot. Pero gaya ng lahat ng bagay, mayroon din daw itong downside.
“Malilimitahan ‘yong pag-expand mo ng network. Hindi mo pwedeng puntahan lahat. Hindi mo pwedeng kaibiganin lahat. Hindi ka pwedeng makihalubilo kung kani-kanino. Limitado ‘yong makikilala mong tao.
That's the price of having someone by your side,” paliwanag niya.
“Kung nababasa mo 'to tapos ikaw ay wala pang 25 years old, I suggest huwag ka munang pumasok sa isang seryosong relasyon. Huwag ka munang magjowa. Huwag ka munang makipag-live in. Huwag ka munang mag-asawa. May oras para diyan at hindi pa yun ngayon,” aniya.
Dagdag pa ni Xian: “Success is not about diploma o diskarte. It's all about building the right connections in the society. Makakaahon ka agad sa buhay if you are friends with powerful people pero hindi mo sila makikilala kung ikaw ay matatali agad sa isang tao.”
Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa mahigit 17k at 2.4k shares ang naturang post.