Inamin ng “Pinoy Big Brother” host na si Melai Cantiveros na hindi raw nahagip ng isip niya na darating ang panahong sisikat siya at makikilala.
Sa latest episode kasi ng vlog ni Kapamilya broadcast-journalist Bernadette Sembrano nitong Sabado, Hulyo 6, naungkat ang tungkol sa planong pag-exit umano noon ni Melai sa showbiz.
“Gusto mo nang umayaw dati sa showbiz? usisa ni Bernadette.
“Yes,” sagot ni Melai. “Hindi ko talaga gustong sumikat, Miss B. Ang pagsali ko sa PBB is para siyang aksidente lang ba,” saad niya.
“So, parang feeling naman ako dito sa pagmumukha ko. Alam ko kasi sa mukha ko na hindi talaga ako pang-artista. Ang mga barkada ko: feeling ka naman…sumali ka feeling mo matanggap ka,” wika niya.
Dagdag pa niya: “Pinasali lang ako para katatawanan. E, napasubo naman. So, nando’n na. [...] Aside from that, baka may makuha kayong pera.”
Bukod dito, ibinahagi rin ni Melai ang tila plan B niya kung sakali mang ma-evict agad siya sa bahay ni Kuya pagkatapos ng isang linggo.
“‘Yong kaibigan ko do’n si Paul Jake [Castillo], ‘yong mayaman naming housemate. Bisaya rin. Para paglabas ko, sa kaniya ako magtatrabaho,” aniya.
Matatandaang si Melai ang itinanghal na big winner sa PBB Double Up edition noong 2009. Pero bukod pa sa tagumpay na ito, dito rin niya nakilala ang asawang si Jayson Francisco na kapuwa niya housemate.