“Tao lamang naman sila, may emosyon, nakakaramdam din naman ng sakit.”
Ito ang reaksyon ni Senate President Francis "Chiz" Escudero sa kaniyang mga kapwa-senador na sina Senador Nancy Binay at Senador Alan Peter Cayetano na nagbangayan sa Senate hearing kamakailan.
Matatandaang sa hearing ng Senate Committee on Accounts noong Miyerkules, Hulyo 3, nag-walk out si Binay matapos silang magkainitan ni Cayetano, kung saan kinuwestiyon ng senadora kung paano umabot sa halagang ₱23 bilyon ang budget ng Senate building, dahil hindi umano ito makikita sa mga dokumento ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Binay, ₱21 bilyon lamang umano ang kasalukuyang budget ng bagong Senate building.
Samantala, iginiit pa rin ni Cayetano na ₱23 bilyon ang kabuuang pondo dahil bukod daw sa naturang ₱21.7 bilyon ay kasama rin daw dito ang ₱1.6 bilyon sa pagbili ng lupa.
MAKI-BALITA: Binay, nag-walk out nang makainitan si Cayetano sa Senate hearing
MAKI-BALITA: Cayetano sa pag-walk out ni Binay: 'Nabuang ka na, Day! Senado 'to, hindi palengke!'
Sa panayam ng DWIZ nitong Sabado, Hulyo 6, na inulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Escudero na hindi robot sina Binay at Cayetano at may damdamin din daw ang mga ito.
"Una sa lahat, tao lamang naman si Senator Binay at si Senator Alan, may emosyon nakakaramdam din naman ng sakit," anang Senate President.
"Di naman to ang unang pagkakataon na nagkabangayan at nagka-walkoutan pa. Bahagi ‘yan siguro ng pagiging tao ng miyembro ng Senado. Hindi mga robot ang inyong mga senador," dagdag niya.
Samantala, sinabi rin ni Escudero na nagpatawag ng pagdinig si Cayetano dahil hindi umano nakipag-ugnayan nang maayos ang DPWH para sa mga kinakailangang dokumento kaugnay ng proyekto.
"Kinakailangan magpatawag ng hearing para magamit at tila kinakailangan dahil pinapaikot-ikot siya, ang compulsory process ng Senado o subpoena dahil nga hindi sumasagot nang tama ang DPWH o mga opisyal na nakikipag-ugnayan sa kanya (Cayetano) nitong mga nagdaang linggo,” saad ni Escudero.