“Huwag naman lahat ng trabaho…”
Inihayag ni incoming Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na kakausapin niya ang mga employer at mga industry group na huwag naman daw sanang gawing requirement sa lahat ng trabaho ang college degree.
Sinabi ito ni Angara sa panayam ng DWIZ nitong Sabado, Hulyo 6, na inulat ng Manila Bulletin, kaugnay ng plano niyang paunlarin ang K-to-12 curriculum at ang employability ng mga graduate ng Senior High School (SHS).
"Kakausapin din natin ang mga employers and industry groups. Para klaro din na huwag naman lahat ng trabaho lalagyan nila ng kailangan ng college graduate. Kasi yun ang pangako natin nung pinasa natin yung K-12," ani Angara.
"Pero pangako natin, oo nga, dalawang taon na dagdag pero ‘yung pag-asa ng magkakaroon ng trabaho eh hindi natin kinumpleto ‘yung pangako na ‘yun. So dapat gawin natin ang lahat para matupad ‘yung pangako na employable ‘yung ating senior high school graduate.”
Ayon pa sa senador at magiging bagong DepEd chief, sa tingin niya ay makukumbinsi daw niya ang mga employer kaugnay ng kaniyang hiling.
“I think it just needs concerted action and organization. Tapos yung government agencies should also follow, should also stay accountable. Yung mga mabababa na salary grade, yung mga clerical in nature, I don't think you need college graduates there,” saad ni Angara.
Matatandaang noong Martes, Hulyo 2, nang ianunsyo ng pamahalaan ang pagtalaga ni Marcos kay Angara bilang bagong DepEd chief.
MAKI-BALITA: Sen. Sonny Angara, itinalaga bilang bagong DepEd secretary
Ang naturang pagtalaga kay Angara ay matapos namang magbitiw ni Vice President Sara Duterte sa ahensya noong Hunyo 19, 2024.
MAKI-BALITA: VP Sara sa pagbibitiw bilang DepEd Secretary: ‘Hindi lulan ng kahinaan’
Dahil dito, inaasahang magsisimula ang panunungkulan ni Angara sa DepEd sa darating na Hulyo 19, 2024.