Ikinalungkot ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon ang nangyaring kaguluhan sa championship game ng dalawang barangay sa lungsod sa ginanap na La Liga de Muntinlupa Basketball Tournament 2024 nitong Hulyo 5.
Nangyari ang kaguluhan nang magkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng isang player at ng referee.
Dahilan para magtungo ang mga tao sa loob ng court at nagbabato ng mga monoblock chairs at mga bote ng tubig.
Bago ang insidente, pumalo sa 97 ang score ng Barangay Cupang habang 96 naman ang Barangay Bayanan.
Sa isang pahayag ni Mayor Biazon, sinabi niyang ikinalulungkot niya ang nangyaring kaguluhan at isang masamang halimbawa sa mga kabataan ang pagpapakita ng hindi magandang pag-uugali ng ilang mga residente.
"Kinalulungkot ko ang nangyari sa maganda sanang championship game ng La Liga de Muntinlupa na nauwi sa kaguluhan. Imbes na umiral ang sportsmanship at pagkakaisa na layunin ng basketball tournament, ito ay naging masamang halimbawa sa mga kabataan dahil sa pinakitang pag-uugali at asta ng ilan sa mga nanood at naglaro. Hindi dapat ganyan ang mga Muntinlupeño. Hindi yan nakakaproud," ani Biazon.
"Ayon sa Liga ng mga Barangay na organizer ng event, ongoing ang imbestigasyon at maghahain sila ng reklamo laban sa mga mapapatunayang sangkot sa gulo. Ipapatawag ko rin ang mga Kapitan para magsumite ng report sa nangyari.
"Hindi ito basta simpleng init ng ulo sa basketball, nalagay sa alanganin ang kapayapaan at kaayusan sa ating lungsod. Merong nambato ng silya, may sumugod, may nagtangkang manakit. Hindi natin palalampasin ito at may kalalagyan din sila sa batas.
"Bilang Ama ng Lungsod, pinapaalala ko sa mga kababayan natin na walang magandang idudulot kung papairalin ang init ng ulo. At anuman ang ginagawa natin, nasaan man tayo, dapat laging best foot forward at isabuhay natin ang values ng isang tunay na Muntinlupeño—may paggalang at respeto sa batas at sa kapwa."