Usap-usapan ang balitang gagawing serye ang pelikulang "Maid in Malacañang" ng VIVA Films na idinerehe ni Darryl Yap, na patungkol sa buhay ng pamilya Marcos, 72 oras o tatlong araw bago sila ma-exile sa Hawaii sa panahon ng EDSA People Power Revolution I noong 1986.
Ang nabanggit na pelikula ay talagang dinumog sa mga sinehan noong 2022 matapos ang medyo pagluwag sa protocols kaugnay ng Covid-19.
Ayon sa ulat sa X ng ABS-CBN News, posibleng magkaroon ng 16-episode series ang pelikula at magsisimula na umano ang produksyon sa Setyembre, ayon kay Direk Darryl Yap na present sa 95th birthday party ni dating First Lady Imelda Marcos, kung saan isa siya sa organizers.
Subalit maliban sa mga ito, hindi na nagbigay ng iba pang detalye ang direktor.
Gumanap bilang dating Pangulong Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. ang aktor na si Cesar Montano habang si Ruffa Gutierrez naman ang dating FL Imelda.
Si Cristine Reyes ang gumanap na si Imee Marcos, si Ella Cruz si Irene Marcos, at si Diego Loyzaga naman si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Ang tatlong maids naman na nakasaksi sa lahat ay sina Elizabeth Oropesa, Beverly Salviejo, at Karla Estrada.