Usap-usapan sa social media ang Facebook post ng isang babaeng netizen matapos niyang paalalahanan ang mga misis ng tahanan patungkol sa kanilang mga mister, lalo na kapag lalabas ng bahay at kakain sa labas.
Ayon sa babae, ang post ay ginawa niya hindi para manira kundi paalala lamang sa mga butihing asawa.
Aniya, huwag sanang hayaan ng mga misis na lumabas ng bahay ang kanilang mga mister na may dandruff o balakubak sa kanilang mga damit.
Kalakip ng post ang larawan ng isang lalaking nakita ng babaeng netizen na nakasabayan niya sa isang restaurant. Makikita sa larawan na may maliliit na kulay-puting butil na kumapit sa damit ng lalaki, na mahihinuhang balakubak.
"Please lang kung hindi ma control ang dandruff ng asawa nyo wag nyo nman hayaan lumabas in public na ganito lalo na papasok kayo sa restaurant at kakain syempre consider nyo nman ibang tao na kumakain. Paanu kung gumalaw sya at or ginalaw nya ang shirt niya at nagliparan yan sa katabi nya sa tingin nyo kung sa food nyo yan pupunta okay lang sayo?"
"Na bother lang ako kahapon at nawalan ako ng ganang kumain nong nakita ko katabing table ko ganito."
Agad na nag-viral ang nabanggit na Facebook post subalit agad itong binura ng uploader matapos kuyugin ng mga negatibong komento. Subalit mabilis ang ilang netizens at nagawa itong ma-screenshot at pinagmulan ng matinding diskusyunan.
Sey ng mga netizen, sana raw ay maayos na lang daw na kinausap ng babae ang katabi niya para napagpag nang maayos ang damit at hindi na "hiniya" pa. May mga nagsabi pang hindi alam ng uploader ang sitwasyon sa kalusugan ng lalaking may balakubak kaya huwag itong husgahan. May mga kaso raw kasi ng psoriasis na dahilan kung bakit grabe ang pagbagsak ng mga balakubak mula sa ulo.
May mga netizen namang nagtanggol sa kaniya at nagsabing walang masama sa sinabi ng babaeng uploader dahil bahagi nga naman daw ng hygiene ang pag-check kung maayos ba ang damit o malinis ba ang katawan kapag nasa pampublikong lugar. Masyado lang daw sensitibo ang mga netizen at hindi binasa nang maayos ang post. Hindi naman daw sinabi ng uploader na huwag nang palabasin ang mga mister na binabalakubak.
Sa kaniyang Facebook post matapos burahin ang nag-viral na naunang post ay muling humirit ang babaeng uploader.
"Deleted na po mga kaspa atimana na inyong mga partner ha ipasoot nalang na ug something light color para di pod halata bah tsk tsk" aniya.
Ano nga ba ang balakubak o dandruff?
Ang balakubak o dandruff ay isang karaniwang kondisyon sa anit na nagdudulot ng pagbabalat ng balat. Ito ay hindi seryosong sakit ngunit maaaring magdulot ng kahihiyan at pangangati, na maaaring mauwi sa pagkalala. Narito ang mga pangunahing impormasyon tungkol sa balakubak:
Ano-ano nga ba ang sanhi ng balakubak?
1. Seborrheic Dermatitis: Isa ito sa mga pangunahing sanhi ng balakubak. Ang kondisyong ito ay nagdudulot ng pamumula at pagkakaroon ng mga patse-patse ng langis sa anit na nagbabalat.
2. Malassezia: Isang uri ng fungus na natural na naninirahan sa anit ng tao. Kapag ito ay lumabis, nagiging sanhi ito ng pangangati at sobrang produksyon ng mga balat na patay.
3. Dry Skin: Ang tuyong balat ay isa ring karaniwang sanhi ng balakubak. Ang mga patak ng tuyong balat ay kadalasang mas maliit at hindi mamantika.
4. Iritasyon mula sa mga Produkto: Ang paggamit ng mga hair care products na hindi akma sa iyong anit ay maaaring magdulot ng pamumula, pangangati, at pagbabalat.
Paano malalamang may balakubak ka?
1. Pangangati ng Anit: Ito ang pinakakaraniwang sintomas ng balakubak.
2. Mga Puting Tuldok sa Buhok at Balikat: Ang mga maliliit na piraso ng patay na balat na nahuhulog mula sa anit.
3. Pamumula ng Anit: Lalo na kung may kasamang seborrheic dermatitis.
Paano malulunasan ang balakubak?
1. Anti-Dandruff Shampoo: Ang mga shampoo na may mga sangkap na zinc pyrithione, salicylic acid, selenium sulfide, ketoconazole, o coal tar ay maaaring makatulong sa kontrol ng balakubak.
2. Regular na Paghuhugas ng Buhok: Ang regular na paghuhugas ng buhok gamit ang mild shampoo ay makakatulong sa pagtanggal ng sobrang langis at patay na balat sa anit.
3. Pag-iwas sa Stress: Ang stress o pagkapagod ay maaaring magpalala ng balakubak, kaya ang pagpraktis ng mga stress-reducing activities ay makakatulong.
4. Tamang Pagpili ng Hair Care Products: Gumamit ng mga produktong angkop sa iyong uri ng anit at iwasan ang mga produkto na nagdudulot ng iritasyon.
5. Pagpapatingin sa Doktor: Kung ang mga over-the-counter na lunas ay hindi epektibo, o kung ang anit ay nagiging sobrang pula, namamaga, o may nana, makabubuting magpatingin sa dermatologist. Maaaring magreseta ang doktor ng mas malakas na anti-dandruff shampoo o iba pang paggamot na angkop sa kondisyon.