January 22, 2025

Home BALITA National

CBCP, pinag-iingat publiko laban sa mga sakit ngayong tag-ulan

CBCP, pinag-iingat publiko laban sa mga sakit ngayong tag-ulan

Patuloy na hinihikayat ng maimpluwensiyang Catholic Bishops' Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care (CBCP-ECHC) ang publiko na panatilihin ang kalinisan ng kapaligiran ngayong tag-ulan upang makaiwas sa karamdaman.

Ayon kay CBCP-ECHC executive secretary, Camillian Fr. Rodolfo Vicente "Dan" Cancino, ngayong tag-ulan ay inaasahan na rin ang unti-unting pagpasok ng La Niña Phenomenon kung saan higit na mararanasan ang mas matinding mga pag-ulan.

Sinabi ni Cancino na kaakibat ng panahong ito ang paglaganap ng iba't ibang nakahahawang karamdaman, lalo na ang mapanganib na epekto ng dengue at leptospirosis.

"Kaya tayo po ay maging mapagmatyag lalong lalo na kapag tayo ay lalabas ng bahay. Meron pa rin tayong mga hamon sa buhay... Ang paglilinis ang importante sa kapaligiran. Huwag lamang tayo umasa sa paglilinis ng barangay. Tayo 'yung barangay, tayo 'yung kapitbahayan, at tayo 'yung komunidad. Pag minsan umaasa lang tayo, 'ay trabaho mo 'yan'. Wala pa ring maitutulad kapag tayo ay naglilinis ng kapaligiran natin," ayon kay Fr. Cancino sa panayam ng church-run Radio Veritas.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

Ang dengue ay nakukuha mula sa infected na lamok o aedes aegypti na nangingitlog sa mga lugar na mayroong nakaimbak na tubig, at karaniwang tinatamaan ay mga bata at sanggol.

Ang leptospirosis naman ay sakit na naipapasa mula sa mga kontaminadong tubig tulad ng baha na mayroong ihi ng daga, at lubhang mapanganib sa mga taong mayroong sugat sa bahagi ng binti hanggang paa.

Mayroong pagkakatulad sa mga karaniwang sintomas ang dengue at leptospirosis tulad ng pagkakaroon ng lagnat na may kasamang pananakit ng ulo at kalamnan, pagsusuka, at skin rashes.

Paalala naman ni Fr. Cancino sa publiko na huwag balewalain sakaling magkaroon ng anuman sa mga nabanggit na sintomas at sa halip ay agad na magpakonsulta upang malapatan ng karampatang lunas.