December 22, 2024

Home BALITA National

Binay, nag-walk out nang makainitan si Cayetano sa Senate hearing

Binay, nag-walk out nang makainitan si Cayetano sa Senate hearing
Senador Nancy Binay at Senador Alan Peter Cayetano (Courtesy: Senate/FB)

Nag-walk out si Senador Nancy Binay matapos silang magkainitan ni Senador Alan Peter Cayetano sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Accounts hinggil sa pagpapatayo ng bagong gusali ng Senado.

Sa Senate hearing nitong Miyerkules, Hulyo 3, kinuwestiyon ni Binay, dating chairperson ng komite na ngayo'y nasa ilalim na ni Cayetano, kung paano umabot sa halagang ₱23 bilyon ang budget ng Senate building dahil hindi umano ito makikita sa mga dokumento ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon sa senadora, ₱21 bilyon lamang umano ang kasalukuyang budget ng bagong Senate building.

Samantala, iginiit pa rin ni Cayetano na ₱23 bilyon ang kabuuang pondo dahil bukod daw sa  ₱21.7 bilyon ay kasama rin daw ang ₱1.6 bilyon sa pagbili ng lupa.

National

Romina, napanatili ang lakas habang kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Sa gitna ng kanilang pagtatalo ay binanggit din ni Cayetano ang kamakailang pahayag ni Binay kung saan may isang senador, na hindi niya pinangalanan, na sumasaksak umano sa kaniyang likod. 

"Ma'am, hindi magulo ang issue. Ang linaw-linaw ng issue, ₱23 bilyon galing sa staff mo. Ikaw ang pumupunta sa media, sa radyo. Kung ano-anong paninira, kung ano-anong sinasabi mo sa akin. Sabi mo, may sumasaksak sa likod mo. Eh 'di kasuhan mo ng attempted murder,” ani Cayetano kay Binay. 

“Sino bang sumasaksak sa likod mo? Wala akong alam doon.”

Sinagot naman ni Binay si Cayetano ng: "Sige, bubulong ko sa’yo mamaya kung sino ‘yung sumasaksak.”

"Oh, pero hindi ako. Anong kinalaman ko doon?" ani Cayetano.

"Actually, Mr. Chairman, may sinabi ba akong ikaw? Wala akong sinabi na ikaw, ha,” sagot naman muli ni Binay.

"Sasabihin mo sa media, may kinalaman ito sa Taguig at Makati. Sasabihin mo may sumasaksak sa likod mo, anong iisipin nila?" pag-alma ni Cayetano.

"Sinabi ko ba Alan Peter Cayetano ang sumasaksak sa akin? 'Di ba sabi nila, 'pag nagre-react ng ganiyan, baka guilty," pagbuwelta naman ni Binay.

"Ma'am, basta, sasabihin ko sa'yo, Lourdes ang pangalan mo, hindi Marites. Kaya ayusin natin 'to. Nakakahiya na,” sagot muli ni Cayetano.

"Hindi po tayo Marites, Mr. Chairman," giit naman ni Binay saka nagpatuloy ang kanilang pagtatalo sa pagdinig.

Samantala, muling tinanong ni Binay ang DPWH kung “nag-eexist” ba umano sa kanilang dokumento ang ₱23 bilyong pondo sa bagong Senate building.

“There is none, Mr. Chair,” sagot naman ng DPWH.

“I made my point. There is no such thing as  ₱23 billion sa DPWH. Thank you, Mr. Chairman,” saad ni Binay saka nag-walk out.

“Nabuang ka na, Day. Tapusin natin nang maayos ito. Senado ito ng Pilipinas, hindi ito palengke," saad naman ni Cayetano nang mag-walk out ang senadora.