Tila dismayado rin ang award-winning actor na si John Arcilla kaugnay sa tradisyon ng Wattah Wattah Festival sa San Juan City kamakailan.
Kaya sa latest Facebook post ni Arcilla nitong Miyerkules, Hulyo 3, inilahad niya ang tatlong mungkahi kung paano dapat ipagdiwang ang nasabing pista.
“Walang Masama na MAGDIWANG SA KAPISTAHAN. Lalo na kung ito ay ilang dekada ng idinadaos at pinagkakatuwaan. Pero Sana ay Panatilihin ang MASAYANG TRADISYON NA ITO na may KUNSIDERASYON,” saad ni Arcilla.
“Mungkahi kong Tatlong Bagay:
1. Pag araw ng San Juan GAWING PROTOCOL na maglagay sa LAHAT NG BOUNDERIES ng KARATULA: “WATAH WATAH FESTIVAL ZONE enter and expect to be soaked for fun” Or “WATAH WATAH FESTIVAL ZONE. HUWAG pumasok ang ayaw MABUHUSAN NG TUBIG! Maligayang Araw ng San Huan!”
2. Kahit may note na ng precaution MAGING CONSIDERATE PA DIN sa PAM-BABASA. DAHIL kung ginagawa nang PANG-AASAR AT PAMBUBULLY ang isang “Masayang Tradisyon” ito ay PANANAKIT AT PANG A-AGRABYADO na sa kapwa tao.
3. Huwag gamitin ang “WATAH WATAH FESTIVAL” na pagkakataon para MAGWALA at MAKA PANG ABUSO ng kapwa.”
Bukod pa rito, ipinaalala rin ni Arcilla na ang “Basa-an” o “Wattah Wattah” sa San Juan ay bahid umano ng religious connotation.
“Ito ay mula sa kasaysayan ng pagkakatawang tao ng Diyos bilang si Kristo at ang Pagbibinyag sa kanya ni JUAN BAUTISTA upang maganap ang kanyang Misyon sa Lupa mula sa mga pahina ng Bibliya at naging Doctrina ng Katolisismo,” paliwanag ng aktor.
Kalakip ng post ni Arcilla ang video clip mula sa isang pelikula kung saan matutunghayan ang pagbibinyag ni San Juan kay Jesus.
Ayon sa kaniya: “Kung panonoorin natin sa INTERPRETASYON ng Pelikula, ang pagbasa o pagbinyag ni San Juan kay Kristo sa pamamagitan ng tubig ay isang BANAL NA RITUAL at hindi isang pagpa-pasasa o PAG ‘WA-WALWAL.’”
Matatandaang naging sentro ng usap-usapan ang San Juan matapos lumutang ang mga sentimyento ng mga taong naperwisyo ng naturang piyesta dahil sa tradisyon ng pambabasa.
MAKI-BALITA: Post ng nasiraan ng gadgets dahil sa 'Wattah Wattah' Festival ng San Juan, usap-usapan
Uminit din ang ulo ng netizen sa nag-viral na video ni Boy Dila dahil mapang-asar niyang pambabasa sa isang rider. Sa kasalukuyan, humingi na siya ng paumanhin sa publiko.
MAKI-BALITA: 'Good Dila na!' Boy Dila, nag-sorry na 'nasira' niya imahe ng San Juan City