Pumanaw na ang komedyanteng si "Dinky Doo" ngayong araw ng Martes, Hulyo 2 sa gulang na 66.
Kinumpirma iyan ng mismong nagpakilalang anak niya sa kaniyang Facebook account.
"Family, Friends, Brethrens... This is his daughter speaking po. I'm here to inform po na wala na po si daddy.
7:20 AM of July 2, 2024, he was pronounced dead," mababasa sa post kaninang 11;28 ng umaga.
"Please, all your prayers to my father and family for him to rest peacefully would be very appreciated. like daddy would say, Salamat po sa Dios sa lahat po ng nangyayari. "
Kinumpirma rin ito ng malalapit na kaibigan ni Dinky sa showbiz gaya ni Sen. Ramon "Bong" Revilla, Jr.
"Ikinalulungkot po natin ang pagpanaw ng isa pa nating kasamahan sa industriya na si Dinky Doo. Atin pong ipinahahatid ang pakikiramay sa kanyang naiwang pamilya, mahal sa buhay at mga kaibigan. Rest in peace, Dinky Doo. Matagpuan mo nawa ang kapayapaan sa piling ng ating Diyos Ama," mababasa sa post ng senador.
Hindi na idinetalye ng pamilya ang dahilan ng kaniyang kamatayan, subalit batay sa mga previous post, nasa ospital si Dinky dahil sa mga komplikasyong dulot ng diabetes at high blood pressure.
Nabagabag naman ang mga netizen sa huling post ng komedyante noong Hunyo 18.
Mababasa sa post na tila nanawagan siya sa mga anak na tulungan siya.
"Parang Wala po Akong Pamilya WALANG tumutulong na mga anak ko po.konti na lang panahon ko po pagpalain po kaung lahat mga anak ko," mababasa sa post.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"Meron brother yong tunay, malaman lang ang lagay mo pupuntahan ka at aalalayan ka, We only live once at sana panghawakan mo ang faith mo hanggang sa huli, samahan ka nawa at pagalingin. Fighting! with Gods help & mercy."
"Pamilya po tayo ng Dios.andyan po lagi Ang kapatiran lalo na po si kuya naka handa lagi tumulong."
"Marami mga kapatid sa panamanpalataya tutulong bro sa mga panalangin ingatan nawa kayo ng panginong Dios."
"May roon naman po tayong kapatirang nakahanrang tumulong at umalalay sa inyo. May ron rin po tayong Kuya na di nagpapabaya sa kapatiran. Higit sa lahat may Dios tayo na maawain."
Nagsimula sa showbiz si Dinky noong 1986 sa pelikulang "Inday Inday sa Balitaw."
Simula noon ay nakilala na siya sa kaniyang pagpapatawa at pagiging sidekick o kaibigan ng mga bida sa pelikula.
Sumabak din siya sa politika noong 2022 nang tumakbo siya bilang konsehal sa District 6 ng Quezon City subalit hindi siya pinalad na manalo.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang mga miyembro ng pamilya ni Dinky patungkol dito. Bukas ang Balita sa kanilang panig.