November 23, 2024

Home BALITA National

'Good Dila na!' Boy Dila, nag-sorry na 'nasira' niya imahe ng San Juan City

'Good Dila na!' Boy Dila, nag-sorry na 'nasira' niya imahe ng San Juan City
Photo courtesy: BOY DILA (FB)/Screenshots from San Juan City Mayor Francis Zamora (FB)

Iniharap ni San Juan City Mayor Francis Zamora sa media si Lexter Castro alyas "Boy Dila," ang nag-viral na lalaking nambasa sa isang rider habang nakadila sa naganap na "Wattah Wattah Festival" sa nabanggit na lungsod noong Hunyo 24.

Matatandaang pinahanap ng lokal na pamahalaan ng San Juan si Castro upang makaharap ito ni Mayor Zamora at personal na mapagsabihan sa kaniyang ginawa. Hindi kasi nagustuhan ng maraming netizen ang kaniyang ginawang pang-aasar sa rider batay sa viral video ni Gian Russel Bangcaray.

Sinabi ni Zamora na napagsabihan na niya si Castro, at hinimok itong magsagawa ng public apology sa lahat ng mga na-offend sa kaniyang ginawa.

Giit pa ni Zamora, walang paglabag sa city ordinance si Castro subalit puwede siyang masampahan ng kaso kung isusulong ito ng rider na naperwisyo niya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

"Kung sakaling ‘yong rider na binasa niya, nasira ang cellphone o ‘di kaya’y laptop, puwede siyang kasuhan ng reckless imprudence resulting to damage to property. Pero depende ngayon ‘yan kung ‘yong rider na ito ay pupunta dito upang mag-file ng complaint,” paliwanag ni Zamora.

Samantala, humingi naman ng tawad sa publiko si Castro dahil sa kaniyang inasal. Naging emosyunal si Castro dahil nakararamdam umano siya ng labis na takot sa banta sa kaniyang buhay, at pati ang pamilya niya ay nadadamay na rin.

Hinikayat din niya ang rider na binasa at nilawitan niya ng dila na sana ay magkita sila upang magkaayos na. Handa rin niya itong bigyan ng helmet at kapote.

"Nagpapasensya po ako sa aming mayor sa nagawa ko po. Dahil po sa’kin, nasisira po ang San Juan City po. Sa lahat po, humihingi po ako ng paumanhin sa inyo, sa mga nasa nasabi ko po sa inyo, lalong-lalo na po sa rider,” aniya.

“Kung ano-ano na lang din po ‘yong lumalabas… lalong-lalo na sa mga pamilya ko. ‘Wag naman po sana nilang idamay. Kung may galit po sila sa’kin, ako na lang po. Masakit din po kasi nadadamay ‘yong pamilya ko,” aniya pa.

MAKI-BALITA: San Juan City Mayor Zamora at Boy Dila, nagkaharap na

Matatandaang pinahanap ng lokal na pamahalaan ng San Juan si Castro upang makaharap ito ni Mayor Zamora.