December 23, 2024

Home BALITA National

Dahil mataas presyo ng bilihin: ₱35 umento sa sahod sa NCR, kulang—Escudero

Dahil mataas presyo ng bilihin: ₱35 umento sa sahod sa NCR, kulang—Escudero
photo: Senate of the Philippines/FB

Binatikos ni Senate President Francis "Chiz" Escudero ang ₱35 umento sa sahod na inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) noong Hulyo 1. 

BASAHIN: Minimum wage sa NCR, ₱645 na!

Para kay Escudero, kulang at malayong matugunan ng dagdag  ₱35 ang tunay na pangangailangan ng mga Pilipino dahil nahaharap ngayon ang bansa sa mataas ng presyo ng bilihin.

"Maliwanag na kulang at malayo na matugunan ang tunay na mga pangangailangan ng ating mga kababayan sa gitna ng mataas na presyo ng bilihin," saad ng senador nitong Martes, Hulyo 2.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Dahil dito, kinuwestiyon niya ang naging basehan ng RTWPB kung paano humantong sa ₱35 umento sa sahod.

"Bakit nga ba palaging kulang ang binibigay na omento ng RTWPB? Ni minsan ay hindi pa sila tumama mula nang nilikha ang ahensyang 'yan. Saan ba sila bumibili ng bigas? Nag-grocery? Nag-palengke? Pa-share naman kamo kasi baka sobrang mura dun at kasya ang dagdag na ₱35 sa sahod na binigay nila," pangunguwestiyon ni Escudero.

Binigyang-diin ng senate president na nagpasa ang Senado ng panukalang batas na nagmumungkahi ng ₱100 across-the-board wage increase, na ayon sa kaniya, ito dapat ang 'minimum increment.'

Iginiit niya na kahit na ang halagang ito ay maaaring hindi pa rin sapat upang matugunan ang constitutional mandate na magbigay ng "living wage" sa halip na isang "minimum wage."

"Patuloy na ipaglalaban at tatayuan ng Senado ang prinsipyo at paniniwala na: 'ang konting bawas sa kita ng negosyante (na di naman nila ikalulugi) ay malaking pakinabang at tulong sa ating mga manggagawa," ayon pa kay Escudero.  

Sa naturang pagtaas ng minimum wage, magiging ₱645 ang sahod ng mga non-agriculture workers sa pribadong sektor, habang ₱608 naman sa agriculture workers, sa service and retail establishments na may 15 o mas mababang bilang ng manggagawa, at manufacturing establishments na hindi tataas sa 10 manggagawa.

BASAHIN: Minimum wage sa NCR, ₱645 na!

Epektibo ang ₱35 umento sa sahod sa Hulyo 17, 2024.