Inilahad ni Risa Hontiveros ang inaasahan niya sa kapuwa senador na si Sonny Angara matapos nitong italaga bilang bagong kalihim ng Department of Education.
Sa Facebook post ni Hontiveros nitong Martes, Hulyo 2, tila natuwa siya na pinili ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. si Angara para maging kahalili ni Vice President Sara Duterte na nagbitiw kamakailan sa pwesto.
“Ngayong may kinakaharap tayong krisis sa edukasyon, mabuti at may pinili ang Presidente na mas kwalipikadong Education Secretary. Sen. Sonny Angara is one of the most qualified and acceptable DepEd Secretaries among education reform advocates,” pahayag ni Hontiveros.
“Bilang nakasama at nakatrabaho, mula sa Kamara hanggang sa Senado, Sen. Sonny's work as legislator and as member of EDCOM 2 speaks volumes of his commitment and aspiration for a better education sector,” aniya.
Gayunman, marami pa rin daw trabaho na kailangang harapin si Angara bilang kalihim ng nasabing ahensya.
Kaya bukod sa krisis sa edukasyon, kailangan din daw palakasin at patatagin ng senador ang sistema ng edukasyon sa bansa kasabay ng pagbibigay ng malasakit sa mga mag-aaral at education worker.
“Inaasahan ko rin na masinop niyang gugulin ang pondo para sa edukasyon at mahikayat niya ang lahat ng sektor ng ating lipunan na magtulungan para sa mas dekalidad na sistema ng edukasyon,” saad pa niya.
Samantala, nagbigay naman ng pahayag si Angara matapos siyang italaga bilang bagong kalihim ng nasabing ahensya.
BASAHIN: Angara sa pagiging bagong DepEd sec: 'I accept with humility'
BASAHIN: Sen. Sonny Angara, itinalaga bilang bagong DepEd secretary