Pinusuan ng mga netizen ang viral video ng isang nagngangalang "Raevin Bonifacio" matapos niyang ibahagi ang transformation ng aspin o "asong Pinoy" na natagpuan niyang pakalat-kalat sa kalye.
Bukod sa payat, ang nabanggit na aso ay payat at galisin.
Nang makita niya ang aso, nasabi raw niya sa sarili na hindi matatapos ang araw na iyon na hindi niya ire-rescue ang nabanggit na stray dog. Kinausap pa nga raw niya ito na manatili lamang doon hanggang sa kaniyang pagbabalik.
Pagbalik ni Raevin sa spot kung saan niya nakita ang aso ay naroon pa siya, kaya naman hindi na siya nagdalawang-isip na kunin at i-uwi ito sa kanilang bahay.
Simula noon, nagkaroon ng panibagong pamilya ang aso. Ipinakita ni Raevin ang naging unti-unting transpormasyon ng aso mula sa day 1 na galisin at payat ito, hanggang sa magsimula nang luminis tingnan ang mga balahibo at balat, magkalaman, at sumigla.
Kaya naman, pinuri ng mga netizen si Raevin at sana raw ay maging inspirasyon siya ng marami upang mag-rescue din ng mga asong walang sariling tahanan.
Habang isinusulat ang balitang ito ay umabot na sa 2.8M views, 142k reactions, at 7.8k comments ang nabanggit na Facebook post.
Mapapanood pa sa iba pa niyang posts ang iba pa niyang mga hayop na nailigtas niya mula sa kapahamakan.