December 23, 2024

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

Single mom naperwisyo, napurnadang mag-abroad dahil sa Wattah Wattah Festival

Single mom naperwisyo, napurnadang mag-abroad dahil sa Wattah Wattah Festival
Photo courtesy" Freepik/Mark Balmores via MB

Viral ang Facebook post ng isang nagngangalang "Rod Lina" matapos niyang ibahagi ang screenshots ng isang post ng "Anonymous member" ng isang di-tinukoy na online community page, kung saan isinalaysay nito ang karanasan at naging resulta ng "Wattah Wattah Festival" sa San Juan City kamakailan.

Matatandaang umani ng reklamo sa maraming tao ang naging basaan sa San Juan, lalo't marami sa mga netizen ang hindi nagustuhan ang ginawa ng ilang mga residente na halos isang timba o drum ng tubig na ang ibinuhos sa mga nagdaang motorista.

Ayon sa nag-post, isa siyang single mother na may tatlong anak kaya pursigido siyang mag-aplay ng trabaho sa ibang bansa. Matagal na raw siyang nagbabaka-sakaling makasungkit ng trabaho sa Europe hanggang sa isang araw ay may natanggap siyang email na pinapatawag siya para sa initial interview. Nakapasa naman siya sa initial interview kaya diretso na siya sa face-to-face interview sa mismong employer, kaya naman inayos na niya ang mga dokumentong kailangan.

Hindi raw niya alam na piyesta pala ng San Juan nang mapadaan siya noong Hunyo 24. Kaya laking-gulat niya nang harangin sila ng ilang kabataang nasa 20 katao, may hawak na water gun, timbang may tubig, at hose. Nakiusap daw siyang huwag siyang basain dahil may interview siya sa trabaho subalit hindi raw siya pinakinggan at binasa pa rin. Sa malas, nabasa rin ang mga dokumentong ipapasa niya sa aplikasyon.

Mga Pagdiriwang

Ang mayamang tradisyong tatak ng 'Paskong Pinoy'

"Pinasiritan ako ng tubig sa mukha mula sa hose. At di pa sila nakuntento. Binuhusan ako ng ilang timbang tubig. Kaya halos basang basa ako. 'Yong hawak ko na envelop kung nasaan original requirements ko ay nabasa din," aniya. "Halos mabura ang mga details ko kasi basang-basa."

Ang ending, hindi nakarating sa interview ang anonymous member at hindi natanggap sa trabaho. Mas lalo pang nanlumo ang single mother nang malaman niyang lahat nang kasabayan niya sa batch ng mga aplikante ay tinanggap.

Pakiramdam daw ng single mother ay gumuho ang lahat ng kaniyang mga pangarap.

Kaya mensahe niya sa mga taga-San Juan, "Sana napasaya namin kayo. Napakalaking bagay po na makakaalis ako ng bansa dahil solo ko na binubuhay mga anak ko."

"Nakiusap ako. Nagmakaawa. Pero hindi kayo nakinig. Umiyak pero nagtatawanan pa kayo. Happy Fiesta."

"Yung isang araw na fiesta ninyo isang buong pangarap ko po ang naglaho."

Rod Lina - halaaa! grabe tsk! | Facebook

Sa comment section ng post, matindi ang panawagan ng mga netizen na paigitinging papanagutin ng lokal na pamahalaan ng San Juan ang mga namerwisyo sa nabanggit na piyesta.

Matatandaang sinabi na ni San Juan City Mayor Francis Zamora na sinumang nagnanais na maghain ng reklamo laban sa mga residenteng hindi na naging angkop ang kilos o akto sa kanilang pambabasa, ay malugod nilang tatanggapin.

KAUGNAY NA BALITA: Post ng nasiraan ng gadgets dahil sa 'Wattah Wattah' Festival ng San Juan, usap-usapan

KAUGNAY NA BALITA: Zamora, nangakong parurusahan mga sangkot sa kaguluhan sa 'basaan'

Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 40.3k reactions at 33k shares ang nabanggit na post.

--- 

Disclaimer: Bagama’t ang kuwentong ito ay inaako ng may-akda na mula sa tunay na pangyayari, hindi maaaring kumpirmahin o itanggi ng Balita ang katotohanan sa mga detalye at impormasyong nakasaad dito.