Nagbigay ng reaksyon si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pahayag kamakailan ng anak niyang si Vice President Sara Duterte na tatakbo siya bilang senador kasama ang kaniya ring mga anak na sina Congressman Paolo “Pulong” Duterte at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.
Matatandaang noong Martes, Hunyo 25, nang ianunsyo ni VP Sara na tatakbo bilang senador sa 2025 ang kaniyang ama at dalawang mga kapatid.
MAKI-BALITA: Tatlong Duterte, tatakbo sa pagka-senador sa 2025
Kaugnay nito, nito lamang Sabado, Hunyo 29, ay sinabi ng bise presidente na pinaghahandaan na ang naturang pagtakbo ng kaniyang ama at dalawang kapatid sa Senado.
MAKI-BALITA: Pagtakbo ng mag-aamang Duterte sa Senado, pinaghahandaan na -- VP Sara
Samantala, itinanggi ni dating Pangulong Duterte ang naturang pahayag ni VP Sara sa isang press conference sa Tacloban City nitong Linggo, Hunyo 30.
“Mabuti ito, nandito tayo sa Tacloban. Dito natin malaman ang totoo. Maniwala ka kay Inday? Susmaryosep. I-jamming ka niyan nang husto. Lalo na kapag balabag ‘yung tanong, ‘ah ito si ano, ah..’ sagutin ka ng balabag niyan,” aniya.
Ayon pa sa dating pangulo, hindi na raw siya babalik ng politika dahil matanda na raw siya at wala na rin umano siyang panggastos.
“I think hindi na ako babalik ng politika. Tapos na po ako. Laos na ako. Wala na akong panggastos. Wala na lahat. Ang naiwan sa akin siguro, yabang. Hindi naman ako galit. Wala akong galit,” saad ni Duterte.
“Saan ka nakakita ng tatay tas dalawang anak magtakbo ng senador. Anong gagawin namin sa Senate? Palagay nating tatakbo kami, manalo kami, magharapan kaming mag-aama doon sa Senate? Anong gagawin namin doon? ‘Oh, anak, magboto tayo rito ah. Oh, ikaw? Ayoko, kontra ako diyan, Pa.’ Naloko na. Huwag maniwala kay Inday. Huwag kayong kumagat kay Inday kasi ‘yang si Inday ano ‘yan, kagaya ko rin ‘yan... Matanda na ako,” dagdag pa niya.
Matatandaang naging pangulo ang 79-anyos na si Duterte mula 2016 hanggang 2022.