Umapela ang Bureau of Customs (BOC) sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang pamilya na i-claim na ang 294 balikbayan boxes na nananatili pa ring nakaimbak sa kanilang bodega sa Sta. Ana, Manila.
Sa isang kalatas nitong Linggo, nabatid na ang mga naturang balikbayan boxes ay ibiniyahe patungong Pilipinas noon pang nakaraang taon.
Ayon sa BOC, inabandona umano ng mga forwarder ang mga balikbayan boxes matapos na makolekta ang kanilang bayad mula sa ibayong dagat.
Nabatid na dumating sa Pilipinas ang mga balikbayan boxes mula sa Kuwait noong Pebrero 12, 2023, ngunit hindi na-claim ng recipients at kasalukuyan pa ring nakaimbak sa kanilang bodega.
Sa mga naturang abandonadong balikbayan boxes, naipamahagi na umano ng BOC ang 450 boxes.
Anang BOC, maaaring i-check ng mga OFWs at kanilang mga kaanak sa website ng BOC, kung kasama dito ang kanilang balikbayan boxes.
Pinayuhan din ng BOC ang mga ito na upang ma-claim ang mga balikbayan boxes ay kailangan ng recipients na magprisinta ng orihinal o photocopy ng pasaporte ng nagpadalang OFW; orihinal o photocopy ng balidong government-issued ID; at orihinal o photocopy ng proof of shipping gaya ng invoice o bill of lading.
Kung ibang tao naman ang magki-claim ng mga balikbayan boxes, kinakailangan umano ng mga ito na magprisinta ng mga karagdagang dokumento, gaya ng notarized authorization letter o special power of attorney (SPA) at balidong ID ng representative ng recipient.