January 22, 2025

Home BALITA National

Sen. Bato, takot harapin mga biktima ng 'drug war' -- Castro

Sen. Bato, takot harapin mga biktima ng 'drug war' -- Castro
Rep. France Castro at Sen. Bato dela Rosa (MB file photo; FB)

Iginiit ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na isang “kaduwagan” ang pagtanggi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na dumalo sa pagdinig ng Kamara kaugnay ng “war on drugs” ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang pahayag nitong Linggo, Hunyo 30, sinabi ni Castro na hindi raw dapat nagtatago si Dela Rosa sa likod ng “inter-parliamentary courtesy,” at dapat harapin daw nito ang mga biktima ng war on drugs.

"Senator Dela Rosa should not hide behind inter-parliamentary courtesy as an excuse. The truth is, he is afraid to face the victims of the bloody drug war that he and former president Duterte orchestrated," ani Castro.

"We call on Senator Dela Rosa to reconsider his decision. If he truly believes in the righteousness of their actions, he should have no fear in facing this inquiry. The victims and their families deserve nothing less than the truth and justice," dagdag niya,

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

Binanggit din ng teacher solon ang naging pagpapatawag kamakailan ni Dela Rosa ng mga miyembro ng Kamara, tulad ni Kabataan Part-list Rep. Raoul Manuel, sa pagdinig ng Senado, na hudyat umano ng pagiging “double standard” ng senador.

"Didn't he invite Congressman Raoul Manuel to a Senate hearing? Why the double standard now?" giit ni Castro. 

Samantala, binigyang-diin ni Castro na napakahalaga ng pagdinig ng Kamara upang lumabas umano ang katotohanan at magbigyang-hustisya ang mga biktima ng extrajudicial killings (EJKs) ng war on drugs.

"Senator Dela Rosa's refusal to participate only reinforces the suspicion that he has something to hide," saad ni Castro.

Matatandaang kamakailan lamang ay sinabi ni Dela Rosa na hindi siya sisipot sa pagdinig ng Kamara dahil hindi rin daw dadalo rito si dating Pangulong Duterte, at dahil baka “i-gang up” lamang daw siya ng mga “makakaliwang” miyembro ng Kamara.

Si Dela Rosa ang nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) nang simulan ang madugong giyera kontra droga sa bansa, sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte.

MAKI-BALITA: FPRRD, Sen. Bato imbitado sa pagdinig ng Kamara sa ‘drug war killings’

Kaugnay nito, inihayag ni human rights lawyer Chel Diokno kamakailan na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyong Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.

MAKI- BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno

Kaugnay na Balita: Sen. Bato, huwag takasan imbestigasyon ng Kamara sa 'drug war' -- Manuel